Advertisers
INIHAYAG ni Senador at presidential aspirant Panfilo Lacson na ang naisip niyang layon ng petisyon sa Commission on Elections ng PDP-Laban ay hindi matuloy ang nakatakdang national at local elections sa darating na Mayo.
Ayon kay Lacson, sa ganitong paraan ay mapapalawig pa ang termino ni Pangulong Duterte na nakatakdang magtapos sa darating na Hunyo.
Diin ni Lacson ipinagbabawal ito sa 1987 Constitution.
Ibinahagi pa ng senador na kinausap na niya si Senate President Vicente Sotto III at ilang kapwa senador at aniya hindi nila dapat hayaan na hindi matuloy ang papalapit na eleksyon.
“SP Sotto and Speaker Lord Allan Velasco are both stepping down along with the President and Vice President on June 30. If such a scenario becomes imminent, before Congress adjourns, we will elect a new Senate President whose term expires on June 30, 2025. He/she shall act as President until a new President or Vice President shall have been chosen and qualified,” pahayag ng senador.
Dagdag pa ni Lacson, sinang-ayunan na ng ilan sa mga kasamahan niya sa Senado ang kanyang posisyon.
Paglilinaw lang din ni Lacson na hindi niya pinararatangan ang administrasyon ng anumang masamang balakin ukol sa petisyon ng PDP Laban na buksan muli ang paghahain ng certificate of candidacy (COC).
Idiniin pa ni Lacson na ginagawa lamang ng mga senador ang kanilang tungkulin na bantayan ang demokrasya sa bansa.
Comelec hinimok ikansela ang ‘22 elections
HINIMOK ng grupong Coalition for Life and Democracy ang Commission on Elections (Comelec) na madaliin ang desisyon hinggil sa petisyon na ipagpaliban ang 2022 local at national elections dulot ng covid pandemic.
Sa Urgent motion to set hearing na inihain ng grupo, hiniling nila sa poll body na aksyunan ang petisyon na inihain nitong Disyembre 10 ng nakalipas na taon.
“Unless the elections is suspended or postponed, the exposure of people to death and health hazard will continue and intensify, a situation that is most unfair and suicidal on the part of all electors,” nakasaad sa petisyon.
Katwiran ng grupo, marami ang hindi makakaboto sa eleksyon dahil sa banta ng covid, lalo na ngayon na patuloy ang pagsipa ng mga bagong kaso.
Nakabinbin din sa Comelec ang ilang disqualification cases ng mga kandidato at party list groups na dapat na rin umanong bigyang prayoridad.
Samantala, ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez, imposibleng pagbigyan ang petisyon na kanselahin ang eleksyon dahil labag umano ito sa Konstitusyon.
“The Constitution is very specific about when elections are to be held and there is no holdover provision in the Constitution or anywhere for the positions that is up for election in the coming polls,” paliwanag pa ni Jimenez. (Jonah Mallari)