Advertisers
SINABI ng Department of Health (DOH) nitong Martes na walang nagaganap na shortage o kakulangan ng paracetamol o iba pang uri ng gamot sa Pilipinas.
Ang pagtiyak ay ginawa ng DOH kasunod ng mga ulat na nagkakaroon umano ng kakulangan sa suplay ng paracetamol at iba pang gamot para sa mga flu-like symptoms o mga sintomas ng sakit na kahalintulad ng trangkaso.
Kasabay nito, umapela rin naman ang DOH sa publiko na huwag mag-hoard, mag-panic buying o bumili ng mga gamot nang hindi naman “clinically warranted” o lubos na kinakailangan.
Ayon sa DOH, matapos na makarating sa kanila ang ulat hinggil sa umano’y shortage ay agad nilang kinonsulta ang major drugstore chains at mga local manufacturer at suppliers ukol sa estado ng supply ng mga nabanggit na produkto.
Sinabi ng DOH na bagama’t may mataas na demand ngayon para sa paracetamol at mga kahalintulad na gamot, wala naman anilang shortage na nagaganap.
Mayroon ding mga generic alternatives sa merkado at available ang mga ito o maaaring mabili sa maraming drug stores sa buong bansa.
Siniguro rin ng DOH na sila ay patuloy na nakamonitor sa sitwasyon at suplay ng mga critical medicine para sa COVID-19, kasama ang mga supportive medicines para sa symptomatic treatment.
Dagdag ng DOH, ang mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Food and Drug Administration (FDA) at Department of Trade and Industry (DTI) ay gumagawa ng mga paraan upang matiyak ang mga kinakailangang produktong pangkalusugan para sa patuloy na pagtugon sa pandemya ng COVID-19. (Andi Garcia/Jonah Mallari/Jocelyn Domenden)