Advertisers
HINDI tatanggapin o papayagan ng Department of Foreign Affairs (DFA) na pumasok ang mga indibidwal o aplikante na hindi bakunado sa kanilang Consular Offices (COs) at Temporary Off-Site Passport Services (TOPS) na matatagpuan sa mga shopping mall.
Ito ay bunsod nang pinaiiral na Alert Level 3 sa buong Metro Manila at ilang mga lugar dahil na rin sa mabilis na pagtaas ng kaso ng mga may COVID.
Kung kaya’t pinayuhan ng DFA ang mga aplikante na hindi bakunado kontra COVID-19 kabilang dito ang mga menor de edad na bago pumunta sa kanilang appointment ay alamin muna ang mga regulasyon nang pupuntahan nilang mall na kung saan mayroon Consular Office para sa pagkuha ng passport.
Ipa-reschedule na lang anila ang kanilang appointment para sa pagkuha ng passport hangga’t fully vaccinated na sila o di kaya hintayin na lamang nila ang anunsiyo ng mga kinauukulan o LGUs kung pwede ng lumabas ng bahay ang mga hindi bakunado.
Hiniling ng DFA ang kooperasyon ng publiko sa kanilang naging hakbangin, dahil para na rin aniya sa kaligtasan ito ng nakararami lalo pa’t aniya mabilis ang pagtaas ng COVID cases sa buong mundo kabilang ang Pilipinas.
Samantala, pansamantalang sinuspinde muna ang operasyon ng consular service sites sa Robinson Lipa, Robinsons Magnolia, Quezon City at SM Manila dahil pa rin sa pagtaas ng COVID-19 cases. (Lordeth B. Bonilla)