Advertisers

Advertisers

Pagganap ni Sue bilang kabit, inaabangan na ng fans SUE IPAGLALABAN ANG PAGMAMAHAL KAY ZANJOE SA “THE BROKEN MARRIAGE VOW”

0 77

Advertisers

WALANG makakapigil kay Sue Ramirez na makuha ang gusto niya bilang ang mapusok at magandang kabit ng isang pamilyadong lalaki sa ABS-CBN drama series na “The Broken Marriage Vow” ang Philippine adaptation ng “Doctor Foster” na mapapanood na sa Enero 24.

Inaabangan na ng fans ang pagganap ni Sue bilang si Lexy Lucero, isang mayamang yoga instructor na pilit na aagawin si David Ilustre (Zanjoe Marudo) mula sa asawa at anak nito, sina Dra. Jill Ilustre at Gio (Jodi Sta. Maria at Zaijian Jaranilla).

“Si Lexy Lucero ay isang babae na nagmahal at hindi niya inaasahan na magiging ganun ang mga takbo ng pangyayari sa buhay niya pagkatapos niyang magmahal,” kwento ni Sue. “Idealistic, laging looking forward sa mga pwedeng gawin. Medyo may bad side din ‘yun, kasi feeling niya lahat ng bagay kaya niyang gawin at kaya niyang kunin. Ipaglalaban niya talaga ‘yung alam niyang dapat sa kanya.”

Sa isang plug tungkol sa karakter niya, makikita ang isang eksena nila ni Zanjoe kung saan naglalambingan ang magkarelasyon habang sinasabi ni Lexy kay David na sana ay mapabilis na ang pakikipaghiwalay nito kay Jill para sila naman ang magpakasal.

Kahit alam din niyang kabit lang siya, hindi ito hadlang kay Lexy para angkinin ang oras ni David at maing lantaran sa pagseselos sa asawa at pamilya nito. “Sinabihan mo rin siya ng ‘I love you’ kanina e. Sa akin, ‘so much.’ Sa kanya, ‘forever,’” sambit ni Lexy kay David.

Ibinahagi rin ni Sue na lagi raw kalmado ang karakter niya dahil sa pagiging yoga instructor nito at “bihirang bihira” itong nagagalit o napipikon.

Ngunit sasabog ang emosyon ni Lexy sa isa sa mga pinakamahalagang eksena sa serye kung saan mang-eeskandalo si Jill sa bahay ng mga magulang ni Lexy at ilalantad na kabit ito ni David at na ipinalaglag ni Lexy ang baby nito kay David.

“You deserve everything that has happened to you!” panunumbat ni Lexy kay Jill.

Mapapanood na ang kaabang-abang na pagganap ni Sue bilang si Lexy sa “The Broken Marriage Vow” ngayong Enero 22 sa iWantTFC, dalawang araw bago ito ipalabas sa TV. Subaybayan ito simula Enero 24, 8:40 PM sa Kapamilya Channel, TV5, A2Z, Kapamilya Online Live sa ABS-CBN Entertainment YouTube channel at Facebook page, at TFC.

Kasama rin sa cast ng “The Broken Marriage Vow” sina Jane Oineza, Angeli Bayani, Bianca Manalo, Ketchup Eusebio, Rachel Alejandro, Art Acuña, Empress Schuck, Joem Bascon, Brent Manalo, Malou Crisologo, Franco Laurel, Sandino Martin, Lao Rodriguez, Jet Gaitan, Jie Anne Armero, Migs Almendras, Avery Clyde, at JB Agustin, kasama ang special participation nina Susan Africa at Ronnie Lazaro.

Kinunan nang buo sa Baguio ang “The Broken Marriage Vow” sa direksyon nina Concepcion Macatuno at Andoy Ranay.

Para sa updates, sundan ang @abscbnpr sa Facebook, Twitter, Instagram, at TikTok o bisitahin ang www.abs-cbn.com/newsroom.

Leave A Reply

Your email address will not be published.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More