Advertisers

Advertisers

BONG GO: LOCKDOWN, ‘DI NA NATIN KAYA

0 215

Advertisers

MULING hinimok ni Senator at Senate Committee on Health and Demography chairman Christopher “Bong” Go ang mga Pilipino na manatiling mapagbantay laban sa COVID-19 na patuloy na naman ang pagtaas ng bilang ng mga kaso dahil hindi na kakayanin pa bansa ang pagpapatupad ng panibagong lockdown.

Nagbabala rin si Go laban sa hindi kinakailangang pagpapapanik at binigyang-diin na ang disiplina at pagtutulungan ay susi sa pagharap sa krisis.

“Dapat tayong manatiling mapagbantay habang patuloy tayong lumalaban sa COVID-19. Huwag tayong magkumpyansa,” sabi ni Go.



Hiniling ng senador ang patuloy na kooperasyon at disiplina sa mga Pilipino upang mapigilan ang kasalukuyang pagdagsa ng mga impeksyon sa pagsasabing hindi na kayang ipatupad muli sa bansa ang isang nationwide lockdown.

“Nakailang pagsasara na tayo ng negosyo, nakailang pagtigil na tayo ng trabaho. Hindi na tayo pwedeng bumalik dun dahil hirap po ang ating mga kababayan,” ayon sa mambabatas.

Hinimok din niya ang lahat na huwag mag-panic at sa halip ay tumutok sa pagsunod sa ating mga protocol sa kalusugan at pangangalaga sa kalusugan ng isang tao.

Iniulat ng Department of Health ang 34,021 bagong kaso ng COVID-19 noong Huwebes, Enero 13. Nalampasan nito ang naunang record-high na 33,169 na bagong kaso na naitala noong Enero 10.

Inulit ni Go ang kanyang panawagan sa publiko na patuloy na sumunod sa health at quarantine protocols ng gobyerno at huwag isugal ang kalusugan ng kapwa Pilipino lalo na sa gitna ng Omicron variant.



“Ang public health ay responsibilidad nating lahat at hindi lamang ng gobyerno, kaya gawin natin ang ating bahagi upang tuluyan na nating malutas ang pandemya,” giit ni Go.

Sinabi ni Go na dapat alamin ang mga sintomas ng sakit at kung may nararamdaman ay mas mabuting iwasan na ang paglabas sa bahay para wala nang mahawang iba.

“Maging parte tayo ng solusyon kaysa mag-panic. Magtiwala tayo at sumunod sa mga patakaran. Hindi rin ito panahon ng sisihan o siraan. Panahon ito ng pagmamalasakit sa isa’t isa at pakikipagbayanihan,” ang payo ng senador.

Samantala, muling umapela ang senador sa mga kuwalipikadong Pilipino na magpabakuna laban sa virus sa lalong madaling panahon at hinikayat ang mga karapat-dapat na kumuha ng kanilang mga booster shot.

Noong Enero 12, ang pamahalaan ay nagbigay ng higit sa 116 milyong dosis ng mga bakuna sa COVID-19. Nasa 53.9 milyong Pilipino ang ganap nang nabakunahan habang halos 58.3 milyon ang nakatanggap ng kanilang unang dosis. Mahigit 4.1 milyon ang nakakuha ng kanilang mga booster shot.