Advertisers
PATULOY na naghahanap ng solusyon ang pamahalaan ukol sa problema sa online gambling sa bansa habang wala pang naipapasang batas laban dito.
Ito ang iginiit ng Malakanyang makaraang sabihin ni Sen. Migs Zubiri na tila “valedictorian” na ang Pilipinas pagdating sa online gambling sa dami ng kaso at epekto nito sa mga mamamayan.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro na kinikilala ng Palasyo ang problema at patuloy na inaaral ang mga solusyon habang wala pang naipapasang batas para sa total ban o mas mahigpit na regulasyon ng online gambling.
Muling binanggit ni Castro ang proposal ang Department of Finance (DOF) para sa pagpapataw ng buwis sa mga gaming operators na aniya’y kasalukuyan pang pinag-aaralan.
Dagdag pa ng opisyal, kinikilala rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang masamang epekto ng online gambling sa mga pamilyang Pilipino lalo na kung may miyembro ng tahanan na nagugumon sa sugal.
Samantala, nang tanungin kung may magagawa ang ehekutibo upang ma-regulate ang mga social media influencer na nagpo-promote ng online gambling, sinabi ni Castro na isa rin ito sa mga isyung kailangang pag-aralan.
Paliwanag niya, pag-aaralan itong maigi dahil baka sabihin aniya ng mga kritiko na freedom of expression naman ang sinasawata ng pamahalaan.
Tiniyak naman ng Palace official na magkakaroon ng tamang direksyon at judgement sa usaping ito upang maprotektahan ang publiko, lalo na ang kabataan, mula sa impluwensiya ng online gambling. (Gilbert Perdez/Vanz Fernandez)