Advertisers

Advertisers

Mapag-batikos sa online, itinatago naman ang pangalan nila

0 192

Advertisers

INSPIRASYON SA BUHAY: “… Ang ibig sabihin, sa pamamagitan ni Cristo, ang mga tao’y ibinilang ng Diyos na kaibigan, at hindi na niya tinatandaan ang kanilang mga kasalanan. At kami naman ay inatasan niyang ipamalita ito…” (2 Corinto 5:19, Ang Tanging Daan, Bibliya).

-ooo-

BERSIKULO NG BIBLIYA, PANALANGIN: Una, ako po ay humihiling sa mga makakabasa nito na buksan ang kanilang mga Bibliya at magbasa ng malakas ng kahit anong bersikulo, at, tapos, mag-alay ng konting panalangin para sa patuloy na kapayapaan ng kaluluwa ng aming namayapa ng buting ina, si Gng. Salvacion Haber Lazo Mauricio, na isinilang sa mundo noong Enero 14, 1934. Salamat po!



-ooo-

MGA PILIPINONG BUMABATIKOS NG TODO SA MGA KANDIDATO, TAHIMIK SA MGA KATIWALIAN NAMAN NG KANILANG MGA MINAMANOK NA MGA KANDIDATO: Maraming mga Pilipino ngayon ang walang ka-preno-preno sa pambabatikos, paninira, at pagmumura sa mga kalaban ng kanilang mga kandidato sa Halalan 2022, lalo na sa mga tumatakbo bilang presidente sa susunod na anim na taon, na tila ba ang kanilang mga minamanok, at silang mga nagmamanok, ay walang batik ng katiwalian at kasalanan.



Mabunganga ang mga tao, at ang maraming grupo, sa sinasabi nilang pagmamalabis ng mga kalabang kandidato o ng mga pamilya ng mga kalabang kandidato, pero nakakabingi naman ang kanilang pananahimik sa mga nakakadiring kapintasan ng kanilang sariling mga kandidato.

Sa panahon ngayon, pagsisinungaling at pagtatakip ang nagiging instrumento sa kampanya, pabor o laban sa isang kandidato, na ang layunin ay siraan lalo na yung mga nangunguna sa surveys ng maraming grupo.



Kapuna-puna na din ang pagsulputan ng napakaraming mga bumabatikos o lantarang nagsisinungaling na gamit ang mga alyas o pen names lamang, na kanilang paraan upang itago ang kanilang mga tunay na pangalan o pagkatao.

-ooo-

PAGSISINUNGALING, AT PAGTATAKIP SA BAHO NG MGA KANDIDATO, ANG GAMIT NGAYON UPANG SIRAAN ANG MGA TUMATAKBO SA HALALAN 2022: Layon ng mga gumagamit ng alyas o pen names sa kanilang mga pagpapahayag sa social media, upang makamura o makalait, o makapanira sila ng husto laban sa mga kandidato, ng wala silang iniisip na pananagutan sa mga batas ng paninirang puri, kasama na ang cyberlibel.

Marami ang pumupuna sa ganitong mga tao na nagtatago ng pagkakakilanlan sa kanilang mga tunay na pagkatao, dahil ang ganitong mga pumupuna na ayaw magpakilala ay dumidiskaril sa katotohanan, at nagpapakalat ng kasinungalingan, o fake news, na kanilang ginagawa dahil sila ay binabayaran ng malalaking halaga.

Sa harap ng ganitong mga nakaririmarim na gawain ng mga tagapag-pakalat ng fake news at disinformation, nananawagan ang Dimensions and Solutions, Incorporated, isang Filipino think tank at consultancy group, na maging maingat ang ating mga kababayan sa pagtanggap ng kanilang mga nababasang puna at batikos.

Ipinapanukala ng Dimensions and Solutionsl, Inc. ang ibayong pag-iingat ng mga Pilipino, lalo na kapag maliwanag na hindi tunay na mga pangalan ang ginagamit ng mga nagpapahayag ng nasabing puna at batikos.

-ooo-

MGA PILIPINO, DAPAT MAG-INGAT AT MAPANURI SA MGA PUNA AT BATIKOS LABAN SA MGA KANDIDATO, LALO NA YUNG NANGUNGUNA SA SURVEYS: Kailangang maging mapanuri ang mga Pilipino sa pamamagitan ng agarang pagtangging basahin man lamang ang mga posts na nagmumula sa mga tao na hindi tunay na pangalan ang nakalagay sa kanilang mga posts.

Kung magiging mapanuri ang mga Pilipino at magpapakita ng pagtangging basahin man lamang ang posts na may puna at batikos ng mga tao na ang mga posts ay hindi nagtataglay ng kanilang mga tunay na pangalan o pagkatao, tiyak matitigil din ang mga ito.

Doon pa lamang kasi sa kanilang paggamit ng mga alyas o iba pang pen names sa kanilang mga posts na naninirang-puri, ipinapakita na nilang tiwali ang kanilang sinasabi o isinusulat, o ipino-post, lalo na social media.

Sa pananaw naman ng ilang spiritual counsellors, ang isang mabisang paraan upang mapatatag ang isip at puso ng mga Pilipino, at mapaglabanan ang mga posts na layunin lamang manira ng mga kandidato, ay ang pagbabasa ng Bibliya. Nakasaad sa Bibliya na makakatanggap ng karunungang mula sa Diyos ang mag-aaral ng mga kautusan ng Diyos, at magbibigay ito ng talino upang makilala ng lahat ang katotohanang nakakapag-palaya.

-ooo-

MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, www.facebook.com/attybatas, www.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network.