Advertisers
IMINUNGKAHI ng Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) nitong Lunes na sana ituloy ng susunod na administrasyon ang Local Peace Engagement (LPE) sa mga komunistang-terorista dahil ito ang pinakamabisang pangtapos sa mga kaguluhan sa mga kanayunan.
Sa lingguhang ‘virtual’ na balitaan ng National Task Force to End Local Communists Armed Conflict (NTF-ELCAC), inihayag ni Assistant Secretary Wilben Mayor, Chief-of-Staff at taga-pagsalita ng OPAPRU, na nirerekuminda nila ang LPE na manatili bilang paraan sa paghahanap ng kapayapaan upang wakasan ang mahigit limang-dekadang panggugulo ng Communists Party of the Philippines – New People’s Army – National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
“Gaya ng mga nagdaang administrasyon ang susunod ay magkakaroon din ng sariling polisiya at direksiyon, ang LPE ay parte naman ng aming rekomendasyon para sa susunod na administrasyon, upang magtuloy-tuloy na Ang kapayapaan aming naranasan sa marami nating lugar,” paliwanag ni Mayor.
Dagdag pa niya, ang LPE ay nakapaglagay na sa pwersa ng CPP-NPA-NDF sa alanganin at ngayo’y nasa sitwasyon na ng pagkatalo.
Ito ay matapos ipawalang-bisa na ni Pangulong Rodrigo Roa -Duterte ang ‘peace negotiations’ o usapang pangkapayapaan dahil sa kawalan ng sinsiridad ng mga CPP-NPA-NDF at ipinalit ang 6-points ‘peace and development agenda’ sa ilalim ng kanyang Executive Order No. 70 na nagsulong ng ‘whole-of-nation approach’ na sumentro sa LPE at paglikha ng NTF-ELCAC.
Ang hakbang ng Pangulong ito, ani Mayor, ang nagbigay-daan sa mabilis na pagbaba ng mga proyektong pangkaunlaran sa mga lugar na dati’y pinepeste ng mga komunistang-terorista.
Kabilang ang lahat na nagsama-sama mula sa mga ahensiya ng pamahalaan, mga lokal na opisyal mula gobernador hanggang sa mga barangay para lamang maitakwil ng taongbayan ang mga pangloloko at karahasang ng CPP-NPA-NDF.
Si Interior and Local Government Director, Rene Valera, naman ay ipinaliwanag na sa LPE ay mayroong Retooled Community Support Program (RCSP) kungsaan makakausap ng direkta ang mga mamayan sa kanayunan kung ano ang kanilang kailangan para lamang iwaksi at huwag ng suportaan ang mga komunistang-terorista.
“Napagbabago ng RCSP ang ang pananaw ng ating mga kababayan at sumama sa pamahalaan para lumaya sa kuko ng mga CPP-NPA-NDF. Nagresulta rin ito sa mga pagsuko at pagbabalik loob sa pamahalaan,” sabi ni Valera, kaya tuloy-tuloy ang pagdaloy ng mga proyektong pangpaunlad sa kanilang lugar.
Para kay Major General Edgardo De Leon, Commander ng 8th Infantry “Stormtrooper” Division ng Philippine Army, kasalukuyang nangangasiwa sa pagsupil sa mga rebelde sa Eastern Visayas, ang LPE “ay katibayan na may epektibong konsepto ang gobyerno” at inilagay nito ang military operations bilang pangalawa lamang.
“Nadi-discover natin ang secrets ng organizations through dialogues and consultations,” sabi ni De Leon at ang mga nagsisuko raw ay nagiging “whistleblowers” na siyang nagbibisto sa mga sikreto ng CPP-NPA-NDF.
Dagdag pa ng opisyal, ang mga sikretong ito ang ikinagalit ni Joma Sison na siyang nagpatunay na siya ang lider ng CPP-NPA-NDF.
“Nasasaktan siya sa sinasabi ng whistle blowers. Sa statement po ni Joma Sison ay siya talaga ang tumatayong lider at siya yun yung nasasaktan sa mga nangyayari ngayon. Dahil yung mga dati nilang kasama ay naging whistleblower na… at sinasabi yung katiwalian at kamalian ng CPP-NPA,” paliwanag ni De Leon.