Advertisers
BILANG paggunita sa Araw ng Paggawa nitong Linggo (mayo 1), nagsagawa ng “prayer march” na tinaguriang “Maralitang Filipino Prayer Walk” mula Luneta hanggang sa Philippine International Convention Center (PICC) ang libu-libong supporters at volunteers ni presidential candidate Senator Manny Pacquiao.
Idineklara din ng mga nagmartsa na mga boluntaryo ni Pacquiao mula sa iba’t ibang lugar sa Las Pinas, Parañaque, Pasay, Bacoor, San Jose Del Monte Bulacan, Caloocan at Quezon City na tanging si Pacquiao lamang ang tunay na makaangkin bilang tunay na kinatawan ng sektor ng paggawa ng bansa.
Sabi nila, ang karanasan ni Pacquiao sa buhay na mula sa matinding kahirapan sa buhay at dumanas ng hirap sa trabaho ang naging batayan para siya piliin na pinakamahusay para sa mga manggagawang Pilipino.
Anila, habang ang ibang kandidato ay nangangako lamang na tutulong sa mga manggagawang Pilipino sa pamamagitan ng pagtaas ng kanilang minimum take-home pay, si Pacquiao lamang ang makakapagpatupad ng mga ito dahil nabuhay siya bilang isang mahirap na manggagawa.
Bago naging isa sa nag-iisang eight-division boxing champion sa buong mundo, si Pacquiao ay naging isang panadero (baker) construction worker at isang ambulant vendor.
Ang prayer march ay pinangunahan nina Mel Bernabe ng Friends of MP Support Group, Pastor Jun Cabatbat at mga pinuno ng iba’t ibang grupong sumusuporta kay Pacquiao tulad nina dating PBA star Zaldy Realubit, Pastor Fred Balabrica, Cenon Prias, Rociel Dela Cruz, Pastor Julito Bob Sarita, Glier Tupas(FMPSG NCR), Antonio Marcelo (MPT- Panalo ang Mahirap) at King Imperial (MPT-Panalo ang Mahirap).