Advertisers
UMALINGANGAW ang sigawang “Yorme Isko,” “President Isko” sa ginanap na grand rally ng Aksyon Demokratiko na dinaluhan ng mahigit sa 15,000 tao na nagpakita ng suporta sa kandidatura sa pagkapangulo ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso, Sabado ng gabi, Abril 30 sa Baywalk, Lingayen City, Pangasinan.
“Kung pagod na kayo sa away ng Pula’t Dilaw, available po ako, naririto kami, uunahin naming tugunan ang mga problema ng tao,” sabi ni Yorme Isko kasama ang katiket, Dr. Willie Ong, Aksyon Demokratiko senatorial bets Carl Balita, Samira Gutoc, Jopet Sison, John Castriciones at Mocha Uson, 1st nominee ng Mothers for Change (MoCha) party-list.
Sa panayam ng media, sinabi ni Isko na mataimtim siyang nananalangin na sana, makuha niya ang endorsement ng nagkakaisang boto ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC).
“‘Yung bawat boto ninyo mahalaga. Ang bawat isang boto pag pinagsama-sama madami yan. Lahat ng uri ng tulong kailangan ko,” wika ni Yorme Isko.
Lahat ng kandidato, sabi ni Yorme Isko, ay nagpupunta sa punong katedral ng INC para humingi ng tulong.
“I always ask for the help of Iglesia ni Cristo. Sumusulat ako lagi. Humihingi ako ng tulong sa ating mga kapatid sa Iglesia, sa tagapamahalang pangkalahatan. Lahat hinihingan ko ng tulong dahil kailangan ko ng tulong,” aniya.
Pinasalamatan ni Yorme Isko ang INC na napakalaki ng naitulong sa pagkapanalo niya bilang alkalde ng Maynila noong 2019.
Nasa ikatlong puwesto lang siya noon, laban kina dating Mayor Erap Estrada at Alfredo Lim, pero nakuha niya, sabi ni Yorme Isko ang endorsement ng INC.
“Isa sa naging tagumpay ko ay sa tulong ng Iglesia at sa tulong rin ng tao. Kaya hindi ako lumilimot katulad ng utang na loob. Sa lahat ng tumulong at tumutulong sa akin ngayon, nagpapasalamat po ako at patuloy na magpapasalamat,” sabi ni Yorme Isko.
Tinataya na mayroong mahigit sa 6 milyong miyembro ang INC sa Pilipinas at may mga kasapi mula sa 150 at mga teritoryo sa ibang bansa. (BP)