Advertisers
TINIYAK ni Senator Christopher “Bong” Go sa mamamayang Pilipino na gagabay ang administrasyong Duterte sa mga susunod na pinuno ng bansa upang matiyak ang tuluy-tuloy na paglilipat ng kapangyarihan.
“Maaga pa lang ay naghanda na ang Pangulo at ang kanyang transition team para sa maayos at sistematikong pagsasalin ng tungkulin,” sabi ni Go.
“Ang layunin ay para hindi maantala ang serbisyo ng pamahalaan at ipagpatuloy ang tulong para sa ating mga kababayan, lalo na sa mga higit na nangangailangan,” dagdag niya.
Ang executive department ay sumusunod sa utos ng Pangulo, ayon sa senador, upang matiyak na maayos ang lahat sa panahon ng transisyon.
“Maging ang iba’t ibang departamento ay nakapaghanda na rin dahil iyon ang utos ng ating Presidente sa kanyang Gabinete,” anang senador.
“Nakatitiyak ang mga bagong mauupong pinuno ng mga kagawaran at ahensya na dadaanan nila ang kanilang mga opisina na nasa maayos na sitwasyon at handang gawin ang kani-kanilang mga mandato na naaayon sa direksyong tatahakin ng bagong administrasyon,” ayon kay Go.
Noong Mayo 10, nilagdaan ni Duterte ang Administrative Order No. 47 na nagtatatag ng Presidential Transition Committee para subaybayan ang paglilipat ng kapangyarihan sa susunod na pamahalaan at tiyaking maihahatid ang mga serbisyo publiko nang walang pagkaantala. Ang komite ay pamumunuan ni Executive Secretary Salvador Medialdea.
Naniniwala si Go na sa kabila ng katotohanan na ang halalan ay maaaring maging dibisyon, ang paggaling ay magaganap kalaunan at ang mamamayang Pilipino ay muling magsasama-sama.
“Sa bawat eleksyon ay may panalo at may talo. Hindi naman iyon maiiwasan. Sadyang sa ganitong demokratikong proseso ay ang tinig ng nakararami ang dapat na manaig. May mga magkakapamilya at magkakaibigan na nasira ang samahan dahil sa iba’t ibang paninindigan,” ani Go.
Umaasa si Go na sa paglipas ng panahon ay maghihilom din ang sugat at muling magkakaroon ng pagkakaisa.
Sinabi ng senador na kailangan ng bansa ang pagkakaisa ngayon higit kailanman, lalo sa gitna ng pandemya at iba pang krisis.
“Maraming kinakaharap na hamon ang ating bansa gaya ng pandemya at iba pang krisis kaya hindi tayo dapat mag-away away pa dahil sa pulitika,” anang senador.
“Kung magkakaisa tayo at sama-samang hahakbang patungo sa mas magandang layunin para sa ating bayan, walang suliranin na hindi natin kayang malampasan,” dagdag ni Go.
Tiniyak ni Go na sa pagpasok ng bansa sa bagong panahon, patuloy siyang maglilingkod nang may habag sa tuwing kailangan nila siya.
“Sa pagpasok natin sa bagong kabanata ng ating bansa ay patuloy na taimtim at makakasama ang inyong Kuya Bong Go na laging handang magserbisyo at magmalasakit sa inyong lahat anumang oras, at kaisa ninyo sa pakikipagbayanihan para sa isang nagkakaisa at mas matatag na Pilipinas!” pagtatapos niya.
Ang papasok na administrasyon ay magmamana ng ekonomiyang determinadong makamit ang pagbangon mula sa pandemyang COVID-19. Noong Mayo 12, ang gross domestic product ng Pilipinas ay iniulat na lumago ng 8.3% sa unang quarter ng taon, lampas sa mga pagtataya at inaasahan.