Advertisers
CAUAYAN CITY – Idinawit ng magpinsang pumaslang sa internal audit manager ng Isabela Electric Cooperative (ISELCO-II) ang mismong general manager at board of director ng kooperatiba.
Sinabi ni Col Julio Go, provincial director ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) na maituturing nang solved case ang pagpatay kay Agnes Palce, internal audit manager ng ISELCO II at asawa ng isang hukom.
Magugunita na pauwi si Palce noong hapon ng May 25, 2022 sakay ng kanyang Toyota Innova nang barilin ng riding-in-tandem sa harapan ng isang gasolinahan sa San Felipe, City of Ilagan.
Noong Mayo 28, 2022, sinampahan ng kasong murder ang mga gunmen na sina Barry Bulan at pinsan niyang si Jervy Bulan, kapwa residente ng Calamagui 1st, Ilagan City.
Kasamang kinasuhan sina ISELCO-ll General Manager David Solomon Siquian at Board of Director Michael Paguirigan, tiyuhin ni Barry Bulan.
Sinasabing may mga natuklasang anomalya sa electric cooperative na pinamumunuan ni Siquian.
Sa panig ni GM Siquian, sinabi nito na advise ng kanyang abogado na sa korte nalang niya sasagutin ang akusasyon laban sa kanya.
Si Paguirigan naman ay nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili Martes ng madaling araw sa kanilang tahanan sa Bgy. Sta. Barbara, City of Ilagan.