Advertisers
MALAKAS na sigawan mula sa bahay ng isang pamilya sa Candaba, Pampanga ang ikinabahala ng ilang kapitbahay, Lunes ng madaling araw.
Dalawang duguang bangkay – isa sa may bakuran, at ang isa sa may terrace – ang natagpuan sa naturang bahay sa Barangay Mapaniqui nang rumesponde ang mga pulis sa paghingi ng tulong ng mga kapitbahay ng mga biktima.
Ang mga biktima mag-asawang may edad 63 at 57 anyos. May mga tama sila sa ulo at may mga duguang tipak ng bato sa tabi ng kanilang bangkay.
Ang itinuturong salarin ay ang mismong panganay na anak ng mag-asawa.
“Naabutan na po nila (mga pulisya) ’yung suspek na nandoon sa loob ng bahay. Sila na po mismo ang nag-aresto sa suspek,” ani Police Col. Karen Clark, hepe ng Candaba MPS.
Sa panayam ng pulisya sa mga kaanak ng mga biktima, dalawang beses nang ipinasok sa rehabilitation center ang suspek dahil sa pagkakalulong sa iligal na droga.
Plinano muli ng mga biktima na ipasok sa rehab ang anak kaya’t ito ang iniisip na dahilan kung bakit pinatay nito ang sariling mga magulang.
Ayon sa mga kaanak, may mga insidenteng pumapatay ng mga alagang hayop tulad ng bibe ang suspek kapag gumagamit umano ng iligal na droga.
Nahaharap ang suspek sa kasong 2 counts parricide.