Advertisers
SINABIHAN ng Department of Health (DOH) nitong Sabado ang mga local government units (LGUs) na huwag lumihis sa mga ipinaiiral na COVID-19 health protocols ng pamahalaan.
Ang pahayag ay ginawa ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, kasunod nang pagpapahintulot ng Cebu provincial government sa kanilang mga residente na tanggalin na ang pagsusuot ng face mask kung nasa labas ng kanilang mga tahanan, at sa halip ay magsuot na lamang ng face mask kung nasa mga closed areas at kung nakakaramdam sila ng sintomas ng COVID-19.
Sa isang public briefing, binigyang-diin naman ni Vergeire na dapat ay iisang rule o tuntunin lamang ang susundin ng bansa sa paglaban sa pandemya.
“Kailangan lahat ng local governments, lahat tayo, iisa lang ang protocol na susundin natin. Kailangan sabay-sabay tayo and magtulong-tulong so that lahat tayo mapupunta tayo at maaatim ang new normal na sinasabi natin,” ayon pa kay Vergeire.
Sinabi ni Vergeire, ang mga bansang kaagad na nagtanggal ng kanilang face mask mandate ay muling nakaranas ng panibagong surge o pagdami ng mga bagong kaso ng COVID-19.
Giit pa niya, dapat na maghintay muna ang Pilipinas na maging manageable na ang mga kaso ng sakit sa bansa, bago tuluyang payagan ang mga mamamayan na huwag nang magsuot ng face masks.
Dagdag pa niya, ang pagpapanatili ng face-mask rule sa ngayon ay base sa mga pag-aaral at rekomendasyon ng mga eksperto sa kalusugan.
“Kaya ang rekomendasyon ng ating eksperto ay huwag na muna, atin po munang ituloy ang pagsusuot ng face mask,” pahayag pa ni Vergeire.
Aniya, hindi rin dapat mainip ang mga mamamayan dahil tiyak aniyang darating muli ang panahong hindi na kakailanganing magsuot pa ng face masks.
“Darating tayo diyan, we take it one day at a time… darating tayo sa time na mawawala ang face masks but we need to manage the cases muna sa ngayon,” aniya pa.
Idinepensa naman ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia ang kanyang executive order, at sinabing dapat na manaig ang lokal na otonomiya.
Paglilinaw pa niya, ang naturang kautusan ay opsiyonal naman.
“It is us who know what our situation here is. Look around, we are only formalizing what is already happening. People are taking off their masks,” aniya pa.
Una nang sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) nitong Biyernes na hindi nila kinikilala ang desisyon ng Cebu province na alisin na ang face-mask rule outdoors, dahil hindi ito alinsunod sa inaprubahang COVID-19 task force guidelines ni Pang. Rodrigo Duterte.
Nagbabala pa si DILG Secretary Eduardo Año na aarestuhin ng mga pulis ang sinumang indibidwal na lumalabag sa naturang health protocols. (ANDI GARCIA)