Advertisers

Advertisers

BUDDY, OTSO AT GLENDA, BAGYO SA QUEZON CIDG!

0 666

Advertisers

SA dinadami ng mga iligalista sa lalawigan ng Quezon ay bukambibig ang pangalan ng tatlong anak ng satanas na sina alias Buddy, Otso at Glenda

Tunay na bantog ang pangalan nilang tatlo sa kabila na napakaraming nag-ooperate na iligalista sa hurisdiksyon ni Quezon Province Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Provincial Officer, P/LtCol. Ariel T. Nuesca.

Napakalakas ang loob ng tatlong salot na ito na mag-operate ng harap-harapan ng kanilang iligal na pasugalan kahit ika nga ay “nasa tungki ng ilong” lamang ng mga lokal na pulis at ng Quezon Provincial CIDG operatives.



Hindi na mabilang kung gaano karami ang nag-ooperate na iligalista sa lalawigan ng Quezon, mistulang mga “refugees” na dumagsa sa naturang probinsya ang mga ito simula nang maluklok roon ni LtCol Nuesca bilang CIDG Provincial Officer (PO) nasabing lalawigan.

Kumpirmado ng ating police insider na sangkaterba maging ang mga jueteng operator sa Quezon Province at ang mga ito ay sina Pando ng bayan Catanauan at Sariaya, Ejay ng Sariaya at Tiaong area, Rayman ng Tagkawayan, Isla S., ng Gen. Nakar at Banong ng Dolores at Tiaong area.

Bagama’t patago ang pagbobola ng ninanakaw nilang taya mula sa ligal na STL operation, ay hayag naman sa mga kapulisan at CIDG operatives kung saan isinasagawa nga naturang jueteng operator ang pagrerebisa ng kanilang kubransa tatlong beses sa kada araw.

Dahil sa operasyon ng STL bookies ng mga nasabing iligalista ay halos 30 percent lamang ng taya sa PCSO sponsored STL ang naireremit sa tanggapan ng PCSO, habang 70 porsiyento naman na ninanakaw ng mga ito ay nauuwi sa kanilang pajueteng.

Ngunit nagtataka naman ang ating mga KASIKRETA kung bakit kahit isa sa mga nabanggit na jueteng operator ay walang naaresto at naipakuikulong si LtCol. Nuesca.



Napatagal nang nakaupo bilang Quezon CIDG PO si Nuesca, kung tutuusin pa nga ay overstaying na ito sa kanyang posisyon, ngunit wala pa itong maipagmamalaking aksyon laban sa illegal gambling at kiriminalidad.

Paano naman makukumbinsi ang sinumang mauupong new PNP Chief na panatilhinin si LtCol Nuesca sa kanyang posisyon kung ganitong parang natutulog lamang lagi ito sa pansitan?

In fairness naman kay LtCol. Nuesca, bagamat’t lantaran ang pangungubra ng taya sa jueteng o STL bookies sa Quezon, ay patago naman ang pagrerebisa ng mga ito sa nakukulimbat ng mga itong kubransa.

At least tagong-hayag ang operasyon nina Pando, Ejay, Rayman, Isla S. at Banong di katulad ng iligal na pasugal nina Otso sa bayan ng General Nakar at Agnes sa munisipalidad ng Tiaong.

Ang dalawang kampon ni satanas ay kapwa nakapag-pwesto ng kunyari ay mini-carnival sa Poblacion ng mga naturang bayan, ngunit sa halip na mga rides at at fun games ang inilatag ng mga ito ay sangdamukal na color games, beto-beto, drop balls, cara y cruz at iba pang labag sa batas na table games ang kanilang inoperate doon.

Ang mga kubol pa sa mga naturang PERGALAN ay pinaniniwalaang gamit din nina Otso at Glenda sa pagbebenta ng shabu.

Ang siste pa, may mobile car ng Gen Nakar at Tiaong Police Offices na nakatambay tuwing doon sa kasagsagan at malakasan ang tayaan sa mga pasugalan.

Si Buddy na kilala naman sa taguring “paihi king” ng probinsya ng Quezon ay may pwesto ng burikian, paihi at pasingawan ng krudo, gasoline, gas at iba pang petroleum at liquefied petroleum product sa Brgy.Talim, Eco Road sa Lucena City at sa Brgy. Lalig, sa bayan ng Tiaong.

Ilang ulit nang nag-aalburuto ang mga residente sa Lucena City at bayan ng Tiaong sanhi ng panganib na posibleng idulot ng mga naturang burikian sa kanilang pamayanan.

Ngunit sa kabila ng karaingan ng mga naturang residente ay balewala naman ito sa mga alkalde ng Lucena City at bayan ng Tiaong.

Iilang araw na lang ang ilalagi nina DILG Sec. Eduardo Año at Usec for Barangay Affairs Martin Diño, ngunit bago man lamang ang mga ito lumisan sa kanilang mga pwesto ay may panahon pa para busisiin ng mga alkalde ng Lucena City at Tiaong.

Bakit ba tulad din ni LtCol. Nuesca ay di ang mga ito umaaksyon laban kina Otso at Glenda, mayroon ba talagang cash-unduan?

Ilang araw na din lamang ang nalalabi ay mag-aalsa balutan na si Agnes para lumipat sa iba pa nitong front ng sugalan at bentahan ng droga sa Quezon Province, kaya dapat na abatan ito ng ating mga KASIKRETA.

Paging CIDG Regional Officer, P/Col. Marlon Santos…

***

Para sa komento: CP # 09293453199 at 09664066144; email: sianing52@gmail.com.