Advertisers
MAGING ang mga relihiyoso at mga apektadong mamamayan ay nababahala laban sa operasyon ng petroleum product smuggling sa Batangas City Port at ng napaka-delikadong pag-ooperate ng burikian, paihian, paawas at patulo sa mga lalawigan ng Batangas at Quezon.
Ang mga kuta ng buriki ay matatagpuan sa Diversion Road, Batangas City, Brgy. Banay-Banay II, sa bayan ng San Jose, kapwa sa lalawigan ng Batangas, sa Brgy. Talim, Eco Road, Lucena City at Brgy. Lalig, parehong matatagpuan naman sa probinsya ng Quezon.
Sa harap ng pagkakalugmok ng ekonomiya ng bansa at patuloy na pagkagutom ng mga mamamayan, ay nakatunganga lamang ang mga opisyales at personnel ng Bureau of Customs (BOC) Philippine Port Authority (PPA) Philippine Coastguard, Bureau of Immigration and Deportation (BID) Natioanl Bureau of Investigation (NBI) at maging ang Philippine National Police (PNP), Martime Command (PNP-MARICOM) ay hindi ng mga ito alintana ang lantarang pagpupuslit ng mga smuggled na krudo, gasoline at gas ng grupo ng kontrabandistang kinilala sa taguring “Binondo Group” sa Batangas City Port.
Ang “Binondo Group” ay kinabibilangan ng isang Intsik na kilala sa alias Mario Tan, Dondon, “Atty. Cabral” at Ferdie,na isang ex-PC Sergeant.
Kapag may timbre ng posibleng pagkabulilyaso sa Batangas City Port, ay sa mga pier ng Bauan at Mabini pinadadaong ang paparating na barko ng mga smuggler
May ilang buwan na ding “nagpaparating” sa Batangas City Port, sa Brgy. Aplaya, Batangas City ng mga smuggled na produktong petrolyo lulan sa ocean-going na barko mula sa mga bansang Russia, Malaysia at China ngunit di ito nabibisto.
Ang dahilan ay nasupalpalan na nga ng sindikato ang ilang port official, PNP, NBI, BID kaya halos lingguhan ay nagpapabalik-balik sa Batangas City Port ang mga hinayupak na mga smuggler nang walang aberya.
Nagmumula ang produktong petrolyo ng “Binondo Group” sa mga bansang Russia, Malaysia at China at ibebenta lamang ng grupo nina alias Mario Tan, Dondon, “Atty. Cabral at Ferdie sa halagang Php40 hanggang Pph 46 kada litro ng diesel at Php 30-Php 35 bawat litro ng gasoline.
Pila-pila ang mga naghahakot na tanker truck ng mga suki ng “Binondo Group” sa Batangas City Port, Brgy. Sta Clara, Batangas City, kaya’t hindi maikakaila ang pagdating ng barkong may daan libong tonelada na kargamentong smuggled petroleum product.
Sa tantiya ng mga nababahalang mamamayan ay hindi lamang milyon-milyon kundi bilyon-bilyong halaga ang nawawala sa pamahalaan sa ilalim ng new administration ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos sa porma ng buwis, pagkat ang tariff and duties na dapat ay ibinabayad sa importasyon ng naturang petroleum product ay napupunta lamang sa bulsa ng iilang port officials at iba pang kasabwat
Duda ng ating mga KASIKRETA ay hindi lamang ang ilang Batangas City Port officials ang nakikinabang sa malawakang operasyon ng petro smuggling sa Batangas City kundi maging ang mga “nasa itaas” ay nakapayola din sa “Binondo Group”
Napaka-imposible nga namang hindi tumitimbre ang ilang mga kakutsabang Batangas Port official sa kanilang mga big boss sa BOC, PPA, PCG at BID pagkat ang mga ito ang mga led government agencies sa mga daungan.
At siyempre pa paglabas ng port zone ay ang sagwil naman sa grupo nina alias Mario Tan, Dondon, Atty Cabral at Ferdie ay ang mga kapulisan ni PNP OIC Director Gen, P/Maj. Vicente D. Danao Jr. at PNP Region 4A Director, PBG Antonio Yarra.
Ngunit sa dami ng mga ahensya ng gobyernong dapat ay nagbabantay laban sa pagpasok ng elementong kriminal sa ating katihan mula sa karagatan ay ano’t nakalulusot pa rin ang mga economic saboteurs na petroleum smugglers? Bakit nga ba General Danao, General Yarra, Sir?
Parang ligal naman na nag-ooperate ang sindikato ng buriki, paihi, paawas, pasingaw at patulo ng petroleum at LPG product sa Brgy. Banay-Banay II sa loob ng garahe ng isang trucking firm na inooperate ng isang alias Benjie.
Pinalilitaw ni alias Benjie na nasiraan ang pag-aari nitong mga tanker at capsule truck, at kailangang igarahe at marepair ang nagiging aberya kaya’t sa loob mismo ng kanilang garage ay malayang nananakawan ng mga tauhan ni alias Benjie ang kanilang kargamentong petroleum product na nagmumula pa sa mga depot sa mga bayan ng Bauan, Mabini at Batangas City.
May burikian, paihian at pasingawan din sa compound ng ALPS Terminal sa Diversion Road, Batangas City na di naman kalayuan sa headquarter ng Batangas City Police Office.
Palihim na pinapapasok sa garage compound ng ilang kakutsabang security guard ang mga tanker at capsule truck ng mga magnanakaw na tsuper na naglululan ng petroleum at liquefied petroleum gas (LPG) at doon ay binabawasan ang kanilang kargamento.
Wala namang kamalay-malay ang management ng ALPS sa raket ng kanilang ilang mga bantay-salakay na guwardiya.
Sa probinsya naman ng Quezon ay nasa Brgy. Talim, Eco Road, Lucena City ang burikian ni alias Bobby bagama’t araw-araw na daanan ang naturang highway ng mga matataas na opisyales ng Quezon Provincial Police at CIDG at Lucena City Police Offices.
Ang isa pang santuaryo ng buriki sa Quwzon ay nasa Brgy. Lalig sa bayan ng Tiaong at ino-operate naman ng isang alias Bong.
Kaya kung tunay na kasabwat ng sindikato ang marami na ring opisyales ng kapulisan, CIDG at NBI, ay tinatawagan natin ng pansin si newly elected Tiaong Mayor, RJ Mea para agarang paaksyunan nito ang mga salot na sina alias Bong at Bobby na kapwa kilala din mga big-time na tulak ng shabu sa lalawigan ng Quezon.
Ayon sa ating police insider isang alias Idolog, Tata Boy at Harry ang lingguhang nangongolekta ng tong, lagay, suhol o intelhencia sa mga operator ng naturang pailigal sa Batangas at Quezon gamit ng mga ito ang pangalan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) offices sa Region 4A, Batangas at Quezon.
Maaaring “maputukan” maging si CIDG Region 4A Commander, P/Col. Marlon Santos at ilan nitong Provincial Officer kapag di nila inaksyunan ang naiuulat na “protection raket” sa kanilang hurisdiksyon.
Liban sa Batangas at Quezon, may mga burikian din sa mga bayan ng Mariveles, Bataan, Pampanga, Tarlac at Bulacan.
Hindi naman bago ang ulat na naghahatag ang mga kapitalistang magbuburiki sa ilang mga lokal na pulitiko at heneral ng PNP sa Camp Crame, Quezon City.
Ang payola ay dumadaloy hanggang sa pinakamababang opisina ng mga hepe ng kapulisan sa Batangas City, San Jose, sa Batangas Province, Lucena City at Tiaong sa lalawigan ng Quezon, at mga probinsya ng Bataan, Pampanga, Tarlac at Bulacan.
Kaya naman pala?
***
Para sa komento: CP # 09293453199 at 09664066144; email: sianing52@gmail.com.