Advertisers
POSITIBONG kinilala ng apat na public elementary school teachers ang lalaking wanted sa Sagñay, Camarines Sur, ang siya rin umanong nagnakaw at umabuso sa kanila sa paaralan sa bayan ng Ocampo noong Agosto 9 ng taon.
Kinilala itong si Enrique Algaba, isang gwardiya sa Maynila, pero umuwi sa Barangay Turague, Sagñay matapos mawalan ng trabaho dahil sa pandemya, sabi ni Police Captain Rosalinda Moises.
“In fact, pinakita doon sa Ocampo MPS but after two days nagpunta din po dito sa ano para magtingin pa po ng ibang pictures ng suspect … May CCTV footage po kami. Pinatingnan din po namin ’yun, and ayun positively identified po nila,” saad ng opisyal.
Ayon kay Moises, tinutugis nila si Algaba dahil ito umano ang humalay sa dalawang babaeng estudyante sa Sagñay na edad 17 at 21 anyos.
Kinumpirma ni Moises na magkasabay na inabuso ang mga biktima, na tila kapareho ng istilo na ginawa ng suspek sa mga guro.
May mga warrant of arrest na umano laban kay Algaba para sa patong-patong na kasong rape at robbery sa Sagñay at Ocampo.
Kinukumpirma pa ng pulisya kung sangkot sa iligal na droga ang suspek.
“Para sa agarang pagkakadakip niya, humihingi na po kami ng tulong sa publiko. Kasi yung nangyari sa Ocampo, nagsagawa narin ang Ocampo MPS ng hot pursuit sa kanya pero talagang madulas po ang suspek,” sabi ni Moises.
“Sino mang may impormasyon, kung saan ngayon naglalagi si Enrique Algaba, ay maaring makipag-ugnayan sa aming himpilan o ‘di kaya’y tumawag sa numerong 0998-5985-997,” saad ng Sagñay Police sa isang post.
Paalala ng pulisya sa lahat na mag-ingat sa suspek dahil armado ito ng baril.
Magbibigay ng P50,000 pabuya si Sagñay Mayor Jovi Fuentebella sa sino mang makapagbibigay ng impormasyon na makatutulong para madakip na ang suspek.- Mula sa ABS-CBN News