Dapat protektahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang mga konsyumer laban sa banta ng pagtataas sa singil ng koryente.
Binigyang diin ni United Filipino Consumers and Commuters (UFCC) president Rodolfo Javellana Jr. na hindi dapat matakot ang ERC na desisyunan ang apela ng South Premier Power Corporation (SPPC) at San Miguel Electric Company (SMEC) na makawala sa Power Supply Agreement (PSA) na kanilang nilagdaan kasama ng Meralco sa kanilang mga konsyumer.
Ayon sa UFCC, hindi pa nakababangon sa pagkakalugmok sa hagupit ng pandemya ang hanay ng mga konsyumer para bigyan nanaman ng higit pang pasanin.
“Hindi dapat matakot ang ERC sa mga oligarko. Dapat nilang panindigan ang kanilang mandato. Nung panahon na hindi mataas ang presyo ng langis at krudo sa merkado, hindi naman umangal ang mga konsyumer na nakatali sa PSA sa kanilang binabayaran. Bakit ngayon hindi panindigan ng SPPC, SMEC at Meralco ang kanilang pinasok na legal na kontrata sa ating mga konsyumer? Bakit kailangan na ipasa nila ang pasanin kay Juan dela Cruz?” pahayag ni Javellana Jr.
Sa isinagawang rally kaapon ng UFCC sa tanggapan ng ERC sa Pasig, binatikos ng grupo ang umano’y tila sabwatan sa pagitan ng Meralco na siyang inaasahang magbabalanse para sa proteksiyon ng mga konsyumer, SPPC at SMEC.
“Nakaka-alarma na tila hinohostage nila ang mga konsyumer sa kagustuhan nilang ibasura ang sagradong kasunduang nagbibigay proteksyon sa atin,” giit pa ni Javellana.
Idinagdag pa ng UFCC na ang pahayag na posibleng higit pang pagtaas sa presyo ng koryente kung hindi papayagan ng ERC ang hiling ng SPPC, SMEC at Meralco ay maituturing na pananabotahe sa ekonomiya ng Pilipinas.
‘Malinaw pa sa sikat ng araw ang bantang paghinto sa Oktubre 4, 2022 ng mga planta na nag gegenerate ng kuryente ay klarong pang hohostage sa mga konsyumer, tahasang pananakot sa ERC at sa ating gobyerno!’ pahayag ng grupo.
Kasabay nito, hinamon ng UFCC ang bagong ERC Chairman na si Atty. Monalisa Dimalanta na siyang tanodbayan sa koryente na huwag matakot sa banta ng mga oligarko at huwag magbingi-bingihan sa hinaing ng sambayanang Filipino na proteksyunan ang mamamayan laban sa dikta ng mga dambuhalang korporasyon ng koryente sa bansa.