Advertisers
Nagpahayag ng pagsuporta si Senator Christopher “Bong” Go sa desisyon ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na suspindihin ang pagtataas ng premium rate at income ceiling ng Philippine Health Insurance Corp. para sa 2023 sa gitna ng mga hamon sa ekonomiya.
Sa isang pahayag, sinabi ni Go, chairman ng Senate committee on health, na wala siyang nakikitang dahilan na makaaapekto ang suspensyon sa mga benepisyo at serbisyo ng PhilHealth sa mga miyembro nito.
“Matagumpay nating naisulong ang paglalaan ng P79 bilyon para sa subsidy ng PhilHealth sa ilalim ng 2023 national budget,” ani Go.
“Bukod dito, isinama din namin ang isa pang P21.17 bilyon para sa pagpapabuti ng benefits package,” dagdag niya.
Kabilang dito ang mga pagpapabuti sa dialysis coverage, mental health outpatient coverage, improvement ng Z-Benefit packages, severe acute malnutrition, all case rate, rationalization ng selected medical and surgical procedures, implementation ng comprehensive outpatient benefit package, free consultation fees, laboratory tests, diagnostic services, outpatient drug benefit, at emergency medical services.
Sa isang memorandum na inilabas ng Malacañang, iniutos ni Marcos na huwag munang ituloy ngayong taon ang planong pagtataas ng kontribusyon sa PhilHealth. Binigyang-diin ni Marcos na ito ay dahil sa kasalukuyang sitwasyon sa pananalapi ng bansa.
Inaasahang tataas ang PhilHealth premium rate mula 4% hanggang 4.5%, alinsunod sa Section 10 ng Universal Health Care Act.
Samantala, hinimok ni Go ang mga ahensyang pangkalusugan ng gobyerno na patuloy na ipagkaloob sa mamamayang Pilipino ang pangangalaga na dapat nilang ibigay.
“Siguraduhin natin na ang serbisyong dapat makuha ng taumbayan, partikular na ang pangkalusugan, ay maibigay sa kanila lalo na sa mga mahihirap at walang ibang matakbuhan,” sabi ni Go.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagpigil sa kagutuman sa mga Pilipino kaugnay ng pandaigdigang socio-economic challenges at unti-unting pagbangon ng ekonomiya ng bansa.
“Importante na walang magutom. Kaya sa panahon ngayon, tulungan natin ang taumbayan at huwag na dagdagan ang bigat na kanilang pinapasan para walang maiwan sa ating muling pagbangon,” pagtatapos ni Go.
Noong 2021, matatandaang iniutos din ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ipagpaliban ang pagtataas ng kontribusyon sa PhilHealth sa gitna ng pandemya.