Advertisers
Nagpabakunahan ng Pamahalaang Lungsod ng Caloocan, sa pangunguna ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang kabuuang 27,992 aso at pusa sa lungsod laban sa rabies sa pamamagitan ng kanilang community-based vaccination program mula Hulyo hanggang Disyembre 2022.
Ayon sa City Veterinary Department (CVD), layunin ng nasabing programa na matiyak ang kaligtasan ng mga may-ari ng alagang hayop at ng pangkalahatang publiko laban sa panganib na magkaroon ng rabies mula sa mga gasgas at kagat ng hayop.
“Kabuuang 27,992 na aso at pusa ang nabigyan ng libreng anti-rabies vaccine para masiguro ang kaligtasan ng iba pang hayop o tao na kanilang makakasalamuha,” wika ni CVD Officer-in-charge Dr. Teodoro Rosales.
Ipinahayag ng Alkalde ang kanyang pasasalamat sa departamento at sa pangkat ng mga beterinaryo para sa kanilang pagsisikap sa mga kampanya ng pagbabakuna laban sa rabies ng komunidad.
“Kinikilala ko po ang inyong pagsisikap. Batid ko po na kayo mismo ang bumababa sa mga komunidad, sa bawat Barangay upang magbakuna,” pahayag ni Mayor Along.
“Patuloy po tayong magsisikap na magsulong ng mga aktibidad at programa na naglalayong bigyang muli ang pagprotekta at pagmamahal sa ating mga alagang hayop,” dagdag ni Malapitan.