Advertisers
SINABI nitong Martes ng Commission on Elections (Comelec) na mahigit sa 1.6 milyon ang mga bagong botante na nagrehistro para sa 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, hanggang nitong Lunes, Pebrero 6, 2023, umabot na sa 1,610,000 ang naitala nilang bagong botante. Lampas ito sa kanilang projection na makakapagtala ng hanggang 1.5 milyong bagong botante sa voter registration na sinimulan nila Disyembre 12, 2022 at nagtapos ng Enero 31, 2023 lamang.
“Hanggang kahapon (Lunes) po, 1,610,000 ang mga bago nating botante,” ayon kay Garcia sa panayam sa teleradyo. “Ito po ay sumobra na sa ating projection na 1.5 million.”
Ani Garcia, nangangahulugan din ito na mangangailangan sila ng mas malaking budget para sa eleksiyon.
Dahil dito, plano nilang manghingi ng P3 bilyong dagdag sa pondo para sa naturang halalan.
“Pag nadagdagan ang botante, madadagdagan ang guro na maglilingkod sa bawat presinto, madadagdagan ang presinto na atin pong io-operate sa araw ng eleksyon. Lahat ng election paraphernalia madadagdagan at siyempre dagdag din po ang balotang iimprenta natin,” aniya pa.
Ang BSKE ay nakatakdang idaos sa Oktubre 30, 2023. (ANDI GARCIA)