Advertisers

Advertisers

P5K na ayuda sa 935 public students – Mayora Honey

0 199

Advertisers

PINANGUNAHAN ni MANILA Mayor Honey Lacuna ang distribusyon ng financial assistance sa daan-daang mahihirap na mag-aaral sa publiko sa kabisera ng bansa.

Sinamahan si Lacuna ni Manila department of social welfare chief Re Fugoso at barangay chair Evelyn de Guzman sa pamimigay ng cash aid sa ilalim ng Educational Assistance Program (EAP) ng lungsod sa San Andres Sports Complex sa Malate, Manila.

Nalaman kay Fugoso na umabot sa 935 ang bilang ng mga mag-aaral sa publiko na tumanggap ng P5,000 bawat isa at nagmula ang mga ito sa Districts 1,2,4,5 at Baseco.



Ang halaga na naipamigay sa elementary at high school students ay umabot sa mahigit P4.6 million.

Ipinaliwanag ni Fugoso na ang mga nasabing estudyante na klinasipika bilang ‘under case management’ ay humingi ng tulong sa pamahalaang lungsod dahil sa mahirap na katayuan sa buhay at imposible sa kanilang matustusan ang mga dagdag gastusin sa kanilang pag-aaral.



Sa kanyang mensahe, nanawagan si Lacuna sa mga estudyanteng tumanggap ng ayuda na paghusayin ang kanilang pag-aaral at makatapos ng kanilang edukasyon.

“Bagama’t hindi kalakihan, ang tulong na ito ay aming ibinibigay para kahit paano ay maibsan ang inyong pangaraw-araw na pangangailangan,” sabi ng lady mayor na idinagdag din na sa kabila na libre ang pag-aaral sa publiko ay hindi pa rin maiiwasan ang dagdag na gastusin.



“Meron pa ring mga tustusin na kailangang gastusan kagaya ng projects at activities ng inyong mga anak na minsan, pino-problema ninyo kung saan kukunin ang panggastos. Bagamat P5,000 lang, dalangin po namin na makatulong ito sa inyo dahil ang inyong pamahalaan, gagawin ang lahat para lamang maitawid ninyo ang pag-aaral ng inyong mga anak,” dagdag pa nito.

Muli ay umapela si Lacuna sa mga mag-aaeal na mag-aral ng mabuti, dahil ang diploma ang pinakamagandang regalo sa kanilang mga magulang.

“Mag-aral lang kayo dahil ‘yan ang regalo sa inyong mga magulang na ginagawa lahat para lang matustusan ang inyong mga pangangailangan. Wala nang iba pang masaya pag kayo ay makapagtapos ng pag-aaral,” ayon kay Lacuna.

Sa kabilang banda, umapela din si Lacuna sa mga magulang na huwag na huwag magsasawang gabayan ang kanilang mga anak at pagsikapang ibigay ang lahat ng pangangailangan nito dahil ang pamahalaang lungsod ay nagsisikap din upang maibigay ang lahat ng kailangang tulong ng mga estudyante. (ANDI GARCIA)