Advertisers
PATAY ang isang lalaki nang pagbabarilin ng apat na kalalakihan dahil sa selos, nitong Pebrero 18 sa Bacolod city.
Kinilala ang biktima na si Harold John Suarez, 37 anyos, residente sa Hermilinda Subdivision, Barangay Mansilingan, Bacolod City.
Tugis naman ng pulisya ang mga salarin na kinilalang sina Matt John Espoli, Rodzel Gonzales Espoli, Mark Torres at alyas “Kalbo”, lahat nangungupahan sa Phase 2 Block 7 Lot 3, Charito Heights Subdivision, Barangay Granada, Bacolod City.
Ayon kay P/Capt. Francis Depasucat, hepe ng Bacolod Police Station 5, dakong 9:35 ng hapon ng maganap ang krimen sa tapat ng isang tindahan ilang metro ang layo sa tinutuluyan ng mga suspek sa nabanggit na lugar.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, umiinom ng alak ang biktima sa tapat ng tindahan at nakaupo ito sa kanyang motorsiklo.
Bigla na lamang dumating ang mga salarin at pinagbabaril ang biktima na tinamaan sa dibdib at ibang parte ng katawan na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Matapos ang krimen mabilis na tumakas ang mga salarin gamit ang Toyota Highlander sa hindi malamang direksyon.
Sa pagresponde ng mga awtoridad sa lugar ng pinangyarihan ng krimen naabutan nila ang kinakasama ng biktima na kilala sa alyas na Joy, isang masahista.
Hinala ng pulisya posibleng matinding selos ang motibo sa pagpatay ng mga salarin sa biktima.
Inamin ni Joy sa pulisya na ang biktima ang may sangkot sa kasong illegal drugs at under probation ito.
Nagpapatuloy naman ang ginagawang follow-up operation ng mga awtoridad naturang krimen.