Advertisers

Advertisers

MALABON, NAVOTAS LALO LULUBOG SA RECLAMATION PROJECT

0 357

Advertisers

ISA ang Navotas Coastal Bay Reclamation Project sa reclamation projects sa paligid at kahabaan ng Manila Bay.

Sa sukat na higit limandaang ektarya o 567.7 ha ay tatambakan ng lupa ang katubigan sa buong harapan ng Navotas City kasama ang iba pang karatig na tubig-daluyan upang tayuan ng mga istrukturang bahagi ng Navotas Boulevard Business Park.

Sa pangunguna ng San Miguel Corporation, pagagandahin daw ng proyekto ang antas ng buhay ng mga komunidad ng Navotas at Malabon dahil sa dala-dala nitong oportunidad sa negosyo at trabaho. Tinatawag din ang proyekto bilang ‘Southern Gateway to the Manila International Airport’ dahil ito ang magdu-dugtong sa Metro Manila at ginagawang paliparan sa Bulacan.



Ngunit duda rito ang mga residente ng Malabon at Navotas.

Ayon kay Ka Job Valenzuela, lider ng “Pwersa” o Peoples and Reform for Social Advancement, malabong kaginhawahan ang hatid ng Navotas Coastal Bay Reclamation Project.



Giit ng grupo ang baha ay malalim nang isyu ng mamamayan ng Navotas at Malabon. Bukod sa natural na mababang lugar ang mga siyudad dulot ng pagiging malapit sa Manila Bay, taon-taon ay lumulubog din ang lupa dahil sa patuloy na pagdami ng kabahayan at pagbabago ng klima sa buong daigdig.

Ang masama rito ay mas palulubugin ng reclamation project ang Navotas at Malabon.



Lumalabas sa isang pag-aaral na 30-40% karagdagang paglubog ang mararanasan ng mga komunidad kapag tuluyang natapos ang reclamation project ng San Miguel.

Nasa panganib din ang kabuhayan ng mga residente sa tuluyang pagkamatay ng ecosystem sa mga yamang-tubig gaya ng ilog, estero, at karagatang pinangingisdaan sa Manila Bay dulot ng reklamasyon.

Sa kasalukuyang takbo ng proyekto, tinatayang nasa 200 tahungan ang pla-nong gibain – na makaka-apekto sa kabuhayan ng higit 1,000 mangingisda at kanilang mga pamilya.
Para naman sa mga kabahayang gigibain, makakatanggap lamang sila ng P15,000 para gamitin sa pagpapatayo ng sariling bahay sa itinalagang relocation site.

Planong maglaan ng San Miguel ng P1-milyon bawat taon sa kanilang Social Development Plan para sa tulong pangkabuhayan, edukasyon, at serbisyong medikal sa mga apektadong lugar ng proyektong ito pero kakarampot ito kumpara sa posibleng kitain at yamang mawawala kung sakaling matapos ang proyekto. Hindi rin, anila, matutumbasan ng anumang halaga ang kalikasang mawawasak pati narin ang kultura at kasaysayan ng mga lugar na tatabunan ng reclamation project.

Gusto ng simpleng mamamayan ng kaunlaran. Ngunit, para saan at sino ba ang makikinabang sa kaunlarang ibinibida ng San Miguel Corporation. Kung ang kapalit ng proyektong ito ay pagkawala ng kabuhayan, pagkasira ng kalikasan, at paglubog ng mga komunidad. Tama bang suportahan ang reclamation project?

Bunsod nito ay iginiit ng mga residente ang tunay na rehabilitasyon at hindi reklamasyon.

Gayundin ang karapatan ng mga mangingisda, at nanindigang nagkakaisa ang mga taga-Malabon para itulak ang kaunlaran para sa lahat, at hindi ng iilan.

Nitong Lunes ay nagprotesta ang mga residente ng 21 apektadong barangay sa pangunguna ng Pwersa upang batikusin ang proyekto.