Advertisers
Ni JOE CEZAR
MARAMING beses pinalakpakan ng mga nakapanood ng “Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko: The Music of Rey Valera” sa Gateway Cineplex 5 kamakailan. Maraming naka-relate sa bawat awiting isinulat ng music legend icon.
Ang karanasan nito sa buhay ay idinadaan sa kanyang mga awitin na mula sa puso kaya maraming naka-relate sa kanilang buhay.
Sa grand mediacon sa Gloria Maris Gateway Mall ng nasabing bio-flick ng OPM icon na si Rey Valera, iisa lang masasabi ng cast, lahat ng kanta ng music legend, naging parte rin ng kanilang buhay-pag-ibig. Ilang cast na dumalo ay sina Rosanna Roces, Lloyd Samartino, Dennis Padilla, Eric Nicolas, Shira Tweg at RK Bagatsing.
Speaking of Rosanna, nagagalak at nagpapasalamat ito na nakasama sa bio-flick ni Rey Valera.
Ang role ni Osang ay pinagkuhanan niya ng inspirasyon para sa “Maging Sino Man” … “at sabi ko noon, Martial Law noon, 1972 ako ipinanganak. Hindi puwedeng hindi ko siya naabutan dahil ang namamayagpag noon ay OPM (Original Pilipino Music)… at sabi ko nga rin doon sa video na ginawa ko na sinubmit ko kay direk. ‘Pag sinabing Rey Valera… hindi pa tapos ‘yung no.1 niya, sa susunod na linggo, meron na naman.”
Inamin ni Osang na ‘di pa sila nagkikita nang personal ni Rey.
“Kaya, salamat… nakita kita.”
Dagdag pa ng aktres, “Ngayon lang kami nagkita nang personal.
“Idol ko ‘yan. Noong bata ako bukod sa iba pa (singers). Bilang mahilig din ako sa music… so naging inspirasyon ko sa paghanap ng asawa ‘yung mga kanta niya at nabigo ako.”
Ano kayang kanta ni Rey Valera ang tamang ‘story of your life’, ‘yung swak na swak sa life story ni Osang?
“Tayong Dalawa”, noon ha… Kasi hindi ako naniniwala… pansinin n’yo, hindi ako mahilig sa mayaman na lalaki, di ba ‘yung (pa-kanta)”’ di ko na hinahangad ang yaman sa mundo”… masyado akong naniwala sa kanta niya.
“Hindi pala totoo ‘yun…. Wala akong pera….
“Sinasamba Kita…. Sobrang pag inisip mo… Diyos ko… ‘Pag ka sinabi ba sa akin ng lalaki mapapakasalan ko… so, hindi ako tumingin sa salapi na hanggang ngayon naman ganu’n… mali, eh… Kailangan pala talagang i-background check!”
Ngayon, “Walang Kapalit” na raw ang kanta ni Osang.
Napag-alaman niya sa nasabing mediacon na ang “Walang Kapalit” ay alay daw ni Rey para sa mga lesbian (LGBTQ+ members).
“Totoo?… Sige… sige, mapapanood ko mamaya ‘yan. Kaya nga siguro bumagsak din ako sa kababata ko. Kaya du’n talaga ako naniwala na totoong pag-ibig, kahit saan mo dalhin ‘yan magtatagpo at magtatagpo at saka magtatagal,” ang matalinhagang turan ng magaling na aktres.
Samantala, Isang sepulturero si Dennis Padilla na nagmamahal ng labis kay Osang. Maraming nakakaiyak moments sina Osang at Dennis.
Sa isang panayam kay Dennis, sinabi nito na maganda ang pagkakagawa ni direk Joven Tan. Very inspiring ang kuwento. Gaganda ng mga kanta. Siguradong magugustuhan ng lahat!”
Ang “Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko” ay sa direksyon ni Joven Tan para sa Saronggola Media, kasama rin sina Christopher de Leon, Gardo Versoza, Lotlot de Leon, Gelli de Belen, Ariel Rivera, Epy Quizon, Meg Imperial, Biboy Ramirez, Arman Reyes, Rico Barrera, Josh de Guzman, Lou Veloso, Jenine Desiderio, Pekto Nacua, Carlo Mendoza, Gian Magdangal, Arlene Muhlach, Ronnie Lazaro at Ara Mina.
Bukod sa “Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko”, kabilang din sa mga kanta ni Rey Valera na itinampok sa pelikula, ang “Maging Sino Ka Man”, “Kung Kailangan Mo Ako”, “Ako Si Superman”,” Mr. DJ”, “Tayong Dalawa” at “Malayo Pa Ang Umaga”
Showing na sa mga sinehan simula Abril 8 ang “Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko” bilang isa sa mga official entry sa kauna-unahang Summer Metro Manila Film Festival.