Advertisers
Ni BLESSIE K. CIRERA
INIHAYAG ni Alisah Bonaobra sa idinaos na media conference kamakailan, na idolo niya si Angeline Quinto na lahat halos ng awitin ay paborito niyang kantahin sa karaoke.
Kaya nga nang ipa-revive sa kanya ang kanta ni Angeline na Hanggang Kailan na Composer’s Cut at nilikha ng singer-composer na si Joel Mendoza, super happy ni Alisah pero at the same time ay na-pressure rin anya siya.
“Ni-record namin ang kanta ng anim na oras, na si Joel Mendoza ang vocal coach.
Ang intense body language ni Sir Joel habang nasa studio kami ay nakapokus sa best version ng kanta,” ani Alisah.
Ang Hanggang Kailan ay ni-record sa Wild Grass Studio sa QC at prinodyus ng San Francisco-based RJA Productions at ipinamahagi ng Star Music PH.
Ang Hanggang Kailan ay komposisyon ni Joel para sa Himig Handog P-Pop Love Songs noong 2014 at ininterpret ni Angeline.
Gayunman, kapwa mahusay sina Alisah at Angeline at may kanya-kanyang paraan ng interpretasyon ng Hanggang Kailan kaya hindi dapat intrigahin.
Kung matatandaan, si Alisah ay naging 1st runner-up sa The Voice of the Philippines second season.
Noong 2016, naging finalist siya sa Just Duet sa Eat Bulaga. Nakilala rin si Alisah sa 14th series ng The X Factor noong 2017.
Sumali rin siya sa WCOPA at naging lead character bilang Aileen Dimaraan sa PETA’s hit musical “Rak of Aegis.
Ang kanyang awiting “Faithful” na kinompos ni Cecile Azarcon-Inocentes ay nanalong Best Inspirational Song sa 43rd Catholic Mass Media Awards last 2021.
Tsika pa ni Alisah, mas enjoy umano siya na nasa bahay lang kasama ang kanyang 19 pusa, sampung aso at dalawang pagong.
Nang matanong sa kanyang lovelife, sey ni Alisah na wala pa umano siyang bf at ang kinukunsidera niyang karelasyon ay ang mga alagang aso at pusa.
Sabi naman ni Joel, sakaling gagawa raw ng music video si Alisah sa kantang Hanggang Kailan, ang nais daw niyang makapareha nito ay si Piolo Pascual na sinang-ayunan naman ng dalaga na hindi rin naiwasan na hindi kiligin.
“Magaling si Alisah. She is vocally good and there’s excellent communication and understanding while we’re recording,” dagdag pa ni Joel.