Advertisers

Advertisers

JC Santos, mas nakilala ang tapang at sakripisyo ni Fr. Rudy Romano, ang nawawalang Redemptorist priest

0 46

Advertisers

Ni ARCHIE LIAO

Mahigit 40 taon nang palaisipan ang pagkawala ng paring aktibista; buhay at paninindigan niya, muling bibigyang-pansin sa pelikulang Romano.

Ano ang kasalanan ni Fr. Rudy Romano? Bakit dinukot ang paring nag-alay ng buhay sa paglilingkod sa mahihirap at pagtatanggol sa mga naaapi?



Mahigit apat na dekada nang walang kasagutan ang pagkawala ni Fr. Rosaleo “Rudy” Romano, ang paring Redemptorist na misteryosong dinukot sa Cebu noong 1985 sa edad na 44.

Ngayon, muling bubuhayin ang kanyang kuwento sa pelikulang Romano, isang biographical drama na magtatampok sa kanyang buhay, tapang, paglilingkod at misteryosong pagkawala.



Gaganap bilang Fr. Rudy si JC Santos sa kanyang unang true-to-life role. Aminado ang aktor na naging hamon sa kanya ang pagbibigay-buhay sa isang makasaysayang personalidad na hindi niya gaanong kilala bago tanggapin ang proyekto.

“Actually, medyo dream come true ito na makapag-play ako ng isang tao na mahalaga sa lipunan,” pahayag ni JC.



Nagsagawa siya ng pananaliksik at nagbasa ng mga libro upang higit na maunawaan ang pagkatao ng pari. Sa kanyang pag-aaral sa karakter, ang pagiging matatag at mapanindigan ni Fr. Rudy ang ginawa niyang sentro ng pagganap.

Hindi lamang ang paghahanda sa papel ang naging makabuluhan para sa aktor. Malaki rin ang naging epekto ng proyekto sa kanyang personal na pananampalataya matapos makasalamuha ang mga paring nakakilala at nakasama mismo ni Fr. Rudy.

“Mas lumakas ang faith ko. Marami akong nakasamang pari, lalo na iyong mga nakasama ni Fr. Romano, at nagbago ang pananaw ko sa faith, I guess. Nagbago iyong idea ko ng fellowship and brotherhood,” pagbabahagi niya.

Para kay JC, ang matinding pagmamahal ni Fr. Rudy sa kanyang ginagawa, lalo na sa paglilingkod sa mahihirap at pagtatanggol sa kanilang mga karapatan, ang isa sa mga katangiang dapat maging inspirasyon ng kabataan.

Binigyang-diin naman ni Fr. Raymond Urriza, C.Ss.R., Vice Provincial Superior ng Redemptorist Vice Province of Manila at tagapangulo ng Redemptio Studio, ang kahalagahan ng pagkilala sa tunay na pagkatao ng pari.

“Si Fr. Rudy Romano ay higit pa sa isang pangalan sa mga tala ng kasaysayan. Isa siyang masigla at lubos na mahabaging batang pari na minahal ng mga taong kanyang pinaglingkuran at ng mga nagkaroon ng pagkakataong makasama niya sa kanyang misyon,” pahayag ni Fr. Urriza.

Dagdag pa ni Fr. Edilberto B. Cepe, C.Ss.R., Provincial Superior ng Redemptorist Province of Cebu at pangulo ng Redemptio Studio, panahon na upang mas makilala ng mundo ang sakripisyo at pamana ni Fr. Rudy.

“Matagal nang panahon upang malaman ng buong mundo ang kanyang pamana, ang kanyang sakripisyo at ang tanong tungkol sa kanyang pagkawala na patuloy na umaalingawngaw hanggang ngayon,” aniya.

Kilala si Fr. Rudy sa kanyang walang kapagurang pagtatanggol sa karapatang pantao at pakikiisa sa mga manggagawa, magsasaka at maralitang tagalungsod. Inilarawan siya ng mga nakakakilala bilang mapagpakumbabang pastol na may pagpapatawa ngunit hindi kailanman natinag sa kanyang mga paninindigan.

Sa direksiyon ni Urian award winner JL Burgos at panulat ni Palanca award winner Eric Ramos, tampok sa Romano ang mga huling araw ni Fr. Rudy bago ang kanyang pagkawala, ang ugnayan niya sa mga komunidad at ang walang humpay na paghahanap ng kanyang ama at mga kapwa pari sa katotohanan at katarungan.

Kasama ni JC sa pelikula sina Albert Martinez bilang ama ni Fr. Rudy, Cris Villanueva, Allan Paule, Ketchup Eusebio, Raul Montesa, Rolando Inocencio at Joel Saracho bilang mga kapwa Redemptorist.

Sa pamamagitan ng pelikula, layunin ng Redemptio Studios na panatilihing buhay ang alaala ni Fr. Rudy, palawakin ang kamalayan tungkol sa katarungang pangkasaysayan at karapatang pantao, at ipakilala sa bagong henerasyon ang isang paring naging simbolo ng tapang at malasakit.

Mapapanood ang Romano sa mga sinehan sa buong bansa simula Disyembre 16, kasabay ng pagsisimula ng tradisyonal na Simbang Gabi.