Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
NAGSALITA na ang beteranong aktor at TV host na si Vic Sotto tungkol sa isyu ng 30 milyon na pagkakautang umano sa kanya in terms of talent fee ng TAPE, Inc.
Ito ay naganap sa mediacon ng renewal ng kanyang kontrata bilang brand ambassador ng Hanabishi Appliances kamakailan sa Milky Way sa Makati.
Ang TAPE, Inc. ang producer ng longest running noontime show na “Eat Bulaga” na mayoryang pagmamay-ari ng mga Jalosjos.
Sa pahayag kasi ng kanyang kapatid at dating Senador Tito Sotto, pinabulaanan nito ang naging statement ni Jon Jalosjos, presidente ng TAPE, na walang pagkakautang sa kanila ang nasabing kumpanya.
Aniya, bagama’t ayaw na niyang palawigin ang isyu, suportado raw niya ang lahat ng sinabi ng kapatid.
“Lahat ng sinabi ni Tito Sen suportado namin kasi yun ang katotohanan. Walang dagdag, walang bawas,” aniya.
Dagdag pa niya, medyo nagkulang pa nga raw si Tito sa na-quote nito tungkol sa utang sa kanya ng nabanggit na production outfit.
“Iyung 30 milyon, kulang pa nga iyun, eh. Na-wrong info pa nga iyon, eh. Kay Joey iyon,” paglilinaw niya.
Ipinaliwanag din niya kung bakit umabot sa ganoong halaga ang obligasyon sa kanya ng mga Jalosjos.
“Sa tagal ba naman eh. Sa haba ng delay kaya umabot nang ganoon. Pero sabi ni Joey, wala iyon. Ganoon namin kamahal ang Eat Bulaga,” bulalas niya.
Ayon pa kay Bossing, willing daw silang magsakripisyo ng ka-troika niyang sina Tito Sen at Joey de Leon para maka-survive lamang ang kanilang show kung totoo ngang dumaranas ito ng problemang pinansyal.
Deklara pa niya, hindi raw naman pera-pera ang usapin kundi ang pagkakaroon ng prinsipyo.
“Hindi lahat ng bagay nadadaan sa pera. Sa akin, mas importante ang prinsipyo kesa sa materyal na bagay,” ani Bossing Vic.
Hirit pa niya, hindi raw naman tahasang naniningil siya ng utang sa kanya.
“Kung mababayaran ako, well and good. Kung hindi naman kayang bayaran, ok lang,” komento niya.
Sa lahat ng ito, nagbigay din siya ng apirmasyon na mananatili sa ere ang iconic show na napamahal sa sambayanang Pinoy mula Aparri hanggang Jolo.
“Ang masasabi ko lang. Eat Bulaga is here to stay,” paninigurado niya.
Masaya naman si Bossing Vic dahil na-renew ang kontrata niya sa Hanabishi Philippines.
Ayon sa TV host, nagpapasalamat siya sa tiwalang ipinagkaloob sa kanya ng trusted home appliance brand since 2015.
Aniya, looking forward daw siya to more fruitful partnership with Hanabishi tulad ng itinagal ng Eat Bulaga.
Sinaksihan naman ang kanyang contract signing nina Hanabishi Appliances Vice President for Finance and Marketing Cherish Ong-Chua, Vice President for Operations Candice Ong-Ang, President Jasper Ong, at Vice President for Purchasing and Merchandising Jevon Ong.