Advertisers
KUNG pagbabatayan ang salita ng dalawang opisyal ng administrasyong BBM, nais mag-iwan ni BBM ng mga alaala sa dalawang larangan: railway, perokaril, o daangbakal (kahit alin sa tatlo’y puedeng gamitin); at plantang nukleyar (nuclear plant).
“Labis na pinabayaan ng mga nakaraang administrasyon ang perokaril” ani Michael Macapagal, ang bagong hirang na chair ng Philippine National Railways (PNR). “Pinabayaan ang PNR hanggang nasira, nabulok, at nawasak ang perokaril. Hindi ito umunlad at umayon sa pagsulong ng bagong teknolohiya,”aniya. “Mukhang natinag ang administrasyon ni BBM na ituloy ang muling pagbangon ng perokaril bilang isa sa mga pangunahing transportasyon sa bansa.”
Bilang PNR chair, pangungunahan ni Macapagal ang rehabilitasyon ng 170-kilometro serbisyo ng tren sa ruta na magdudugtong sa Angeles City sa Pampanga, at dadaan sa mga siyudad ng Metro Manila hanggang sa Calamba City sa Laguna. Sa pagharap niya sa mga mamamahayag ng Capampangan in Media Inc. (CAMI) sa Angeles City nooong Biyernes, ipinaliwanag ni Macapagal na aabot ang halaga ng proyekto sa P860 bilyon at tatagal ito ng limang taon. Popondohan ito ng Japon, aniya.
Kinumpirma ni Dr. Carlo Arcilla, director ng Philippine Nuclear Research Institute {PNRI), ang plano ng administrasyon ni BBM na gamitin ang nuclear energy bilang tugon sa napipintong krisis sa enerhiya na maaaring humataw dalawa o tatlong taon mula ngayon. Kasama sa planong lutasin ang krisis ang pagbubukas ng isinarang Bataan Nuclear Power Plant (PNPP) sa Limay, Bataan at ang pagpapaigting ng paggamit ng renewable energy tulad ng wind at solar energy.
Sinabi ni Arcilla sa harap ng mga dumalong mamamahayag sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Kyusi na may nagsumite na isang grupo ng mangangalakal mula sa South Korea ng plano na buhayin ang BNPP sa loob ng apat na taon. Hindi sinabi ni Arcilla kung magkano ang halaga ng muling pagbuhay ng BNPP, ngunit idiniin niya na malaki ang matitipid ng Filipinas sa paggamit ng BNPP.
Kasama sa planong pagtugon sa napipintong krisis ang pagtatayo ng mga small modular reactor plants (SMRs), ani Arcilla. Maaaring umabot ang SMRs sa 60 sa buong bansa, kahit sinabi niya na ang mataas na halaga ng enerhiya ang isa sa mga balakid upang pumasok ang mga dayuhang mamumuhunan sa bansa. Masyadong mahal ang kuryente dito, ani Arcilla at aabot sa 10% ng kabuuang kita ng isang nilalang sa bansa ang napupunta sa kuryente buwan-buwan, aniya. “Isa itong malaking kasalanan.”
Mayroon iba-ibang opinyon kung bakit namatay ang perokaril sa bansa. May pananaw na isang malaking pagkakamali ang buuin ang mga daangbakal katabi ang mga lansangan ng bansa. Nagkaroon tuloy sila ng direktang kompetisyon sa transportasyon. May nagsabi na pinatay ng industriya ng kotse ang negosyong perokaril. Nangangahulugan ang pag-unlad ng isa ng pagkalugi ng kabila sa negosyo, anila.
Gayunpaman, kailangan pa rin ang perokaril dahil sa lumalaking populasyon ng bansa at lumalagong ekonomiya. Sa maraming pagkakataon, mas malaki ang ikinamura ng paggamit ng tren sa paggalaw ng mga tao at kalakal. Sa Europa, tren ang pangunahing gamit sa transportasyon ng mga tao at kalakal.
Ipinaliwanag ni Macapagal na may plano na palawakin pa ang operasyon ng PNR hanggang makarating ito sa mga lalawigan sa Kabikulan sa timog at mga lalawigan ng Gitnang Luson sa hilaga. Magiging malaking operasyon ang PNR sa mga susunod na taon habang pinauunlad ang mga daang bakal, aniya.
***
NAIS ni U.S. President Joe Biden na magkaroon ng isang pambansang ban sa pagbili at pagmamay-ari ng assault rifles. Nais rin ni Biden na magkaroon ng pananagutan ang industriya ng baril sa mga namamatay sa mga atake kaugnay sa baril. Pangulo si Biden ng bansng maituturing na pinakamakapangyarihan sa buong mundo. Hindi siya dapat magmukhang tanga sa panukalang ito.
***
NAGBABALA si Finance Secretary Benjamin Diokno na hindi kakayanin ng gobyerno na pasanin ang kasalukuyang pension system ng military and uniformed personnel (MUP) dahil lalaki ang public debt ng 25% sa 2030. Nanganganib na bumagsak ang tayo ng pambansang pananalapi kung walang reporma sa sistema at tutukuran ang gobyerno.
Sino ang maysala sa sitwasyon? Sisihin si Rodrigo Duterte na basta itinaas ang sahod ng mga pulis at sundalo nang hindi isinangguni ng maayos sa mga dalubhasa sa panananalapi. Basta makapagpasikat lang sa mga sundalo at pulis. Ito ang naging kalakaran noong panahon niya at lumaki sila sa layaw.
Ano ang solusyon? Wala pang malinaw dahil hindi malay na ibaba ang sahod ng mga pulis at sundalo. Hindi kami magtaka kung umangal ang mga tauhan na may suot ng uniporme. Hindi pa kasama ang mga guro at nagtratrabaho sa kalusugan.
Ayon kay netizen Rollie Par Landon: “Siya din (Diokno) ang may kagagawan niyan. Pagkatanda ko pati yoong mga matagal nang retired uniformed personnel ay isinama nila sa pension increase, naging retroactive. Samantalang ang panukala nang noo’y Sen. Trillanes ay yaong mga kasalukuyang at magre-retire pa lamang sa serbisyo ang bigyan ng pension increase. Now, sasabihin niya na baka mag collapse.”
***
MGA SALITANG DAPAT TANDAAN: “The Duterte, the Ampatuans, and the Teves families sponge off all the wealth of the nation. They travel in private jets and live in palatial homes. All other Filipino politicians aspire to become like them.” – Roly Eclevia, netizen
***
Email:bootsfra@yahoo.com