Advertisers
NASA 430 barangay officials ang sangkot sa operasyon ng iligal na droga ang tinututukan ngayon ng Philippine National Police (PNP) kaugnay ng paghahanda sa gaganaping Barangay at Sanggunian Kabataan Elections sa Oktubre ng taon.
“We have data on that based ‘yung mga dumarating na mga information and we are collating it although these are subject for evaluation, depending on the reports coming in and sa update natin there are more or less 430 plus na personalities Barangay officials,” pahayag ni PNP Chief, General Benjamin Acorda, Jr.
Ayon kay Acorda, ang nasabing bilang ng barangay officials ay kabilang sa tinatawag nilang High Value Individual (HVI) at Street Level Individual (SLI).
“Mga operatiba natin sa ibaba, these are their subjects of operations, sa mga intelligence-driven operations natin and we are hoping, nababawasan naman ito at nababawasan araw araw and hopefully itong mga personalities na ito magdadalawang isip and titigil na but for those na hindi titigil talagang will be subjected for police operations,” pahayag pa ni Acorda.
Sinabi ni Acorda na depende sa level ng involvement ng mga nasabing barangay official, puwede sila ang mga pusher, protector at nagpi-finance.
Base sa data, sinabi ni Acorda na mula sa 430 barangay officials na sangkot sa iligal na droga, karamihan ay nasa Region 6.
Samantala, nagpahayag ng pagsuporta si Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos, Jr. sa pagsasailalim sa voluntary drug testing ang mga nagnanais na tumakbo sa gaganaping BSK Election.
“Eto lang. Siguro sa lahat ng tatakbo we are fighting a war that is a global problem. Kung gusto niyo tumakbo, manilbihan sa bayan, one of the biggest problems is drugs. Siguro magpadrug test kayo, ipakita niyo handa kayo maglingkod. I am calling out to all candidates,” ani Abalos. (Mark Obleada)