Advertisers
NASAWI ang isang sundalo at apat na miyembro ng teroristang Dawlah Islamiyah (DI), at sugatan ang tatlo pang militar sa sagupaan sa Marogong, Lanao del Sur, Miyerkules ng gabi.
Inaalam pa ng militar ang pagkakakilanlan ng dalawa sa mga napatay na terorista, habang ang dalawa sa mga ito ay kinilalang sina Abu Obaidah, deputy amir (leader), DI-Lanao at taga-gawa ng kanilang improvised explosive devices (IED); at Abu Mujahid, isang squad leader.
Hindi pa isinapubliko ng militar ang pagkakakilanlan ng napatay na sundalo.
Kinumpirma ni 103rd Infantry Brigade commander, Major General Yegor Rey Barroquillo, Jr., na nasugatan sa sagupaan ang tatlong sundalo na miyembro ng 7th at 9th Scout Ranger Company ng Philippine Army.
Nadakip naman ng tropa ng pamahalaan ang tatlo pang kasamahan ng apat na napatay.
Sinabi ni Barroquillo na naganap ang sagupaan sa liblib na Barangay Piangologan, Marogong 8:58 ng gabi.
Tumagal ng limang minuto ang bakbakan bago tumakas ang mga terorista.
Nasamsam sa lugar ng engkuwentro ang mga armas na kinabibilangan ng isang AR-15 Bushmaster, 2 M16 A1 rifle, isang R4 rifle, 4 na 5.56 magazines, 3 Baofeng radio, 70 bala ng 5.56mm, isang set ng IED, at mga personal na gamit.(MARK OBLEADA)