Advertisers
INIHAYAG ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na aatasan niya ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang pagpatay sa local radio broadcaster sa Calapan, Oriental Mindoro.
“We’re asking the NBI to look into it… because we want to know the motives, the motivations,” pahayag ni Remulla. “We will try to get to the bottom of this. Marami na kaming leads kung ano ano ang mga motivation na pwedeng nangyari.”
Pinagbabaril ang radio broadcaster na si Cresenciano Bunduquin, 50 anyos, ng riding in tandem 4:20 ng umaga noong Miyerkules, Mayo 31, 2023.
Isa sa mga salarin na kinilalang si Narciso Ignacio Guntan ang namatay nang habulin sila ng kotse ng anak ni Bunduquin at “aksidenteng bumangga” sa kanilang motorsiklo.
Nagtamo ng head injuries si Guntan na naging sanhi ng kanyang pagkamatay, ayon sa mga pulis.
Nakatakas naman ang isa pang salarin, na ayon sa pulisya ay tukoy na nila pero hindi muna pinangalanan.
Si Bunduquin ay radio commentator sa DWXR 101.7 Kalahi FM MUX Online Radio.
Nag-alok ng reward na P100K ang provincial government ng OrMin, habang P50K naman ang sa Presidential Task Force on Media Security (PToMS) na pinamumunuan ni Usec. Paul Gutierrez.
Kasalukuyan nang nasa OrMin si Gutierrez para magsagawa ng sariling imbestigasyon.