Advertisers
TANGING sa pamamagitan lang ng isang joint resolution maitatama ang napunang inconsistency sa naaprubahang bersyon ng Maharlika Investment Fund (MIF) Bill, ayon kay Senador Chiz Escudero.
Tinutukoy ng senador ang magkaibang prescription period para sa prosekusyon ng mga krimen o paglabag sa pinapanukalang batas.
Sa section 50 ng MIF bill, sampung taon ang itinatakdang prescription period habang sa section 51 ng panukala ay 20 years ang nakalagay.
Ayon kay Escudero, maitatama ito sa pamamagitan ng pagpapasa ng isang joint resolution ng Kongreso.
Pagdadaanan din, aniya, ito ang parehong proseso na pinagdadaanan ng isang normal na panukalang batas at kung maaprubahan ay may parehong epekto rin ng isang batas.
Pinahayag naman ni Senate Minority leader Koko Pimentel na handa siyang tumulong sa sinumang magpaplano na kumuwestiyon sa Korte Suprema ng pinapanukalang Maharlika Investment Fund.
Una nang pinahayag nina Escudero at Pimentel na maaaring makwestiyon ang constitutionality ng MIF bill.
Dahil sa kawalan ng ‘test of economic viability’ para kay Escudero, habang ang maling legislative process at urgent bill certification naman ang itinuturong dahilan ni Pimentel.