Advertisers

Advertisers

Nursing student iginapos, pinatay

0 1,542

Advertisers

NATAGPUAN ang bangkay ng isang nursing student na nakagapos, may tali sa leeg at may sugat sa mukha. Inabandona ang bangkay nito sa isang masukal na bahagi ng Santiago City, Isabela, Linggo ng hapon.

Kinilala ang biktima na si Lyziel Joy Pesario Abogade, 19 anyos, 3rd year nursing student at taga-San Mateo, Isabela.

Batay sa imbestigasyon ng Santiago City PNP, nakita sa CCTV na 4:00 ng madaling araw ng Linggo lumabas sa boarding house ang biktima.



Natagpuan ang bangkay nito 3:00 ng hapon. Isang construction worker na iihi lamang sa lugar ang nakatagpo sa bangkay na nasa 10 hanggang 15 metro ang layo sa Palac Road ng Barangay Buenavista, Santiago City.

Narekober sa crime scene ang isang bato na may bahid ng dugo at hinihinalang ginamit sa pagpatay sa biktima.



Agad namang natukoy ang tricycle na sinakyan ng biktima dahil nagawa pa nitong makapagpadala ng private message sa kanyang kapatid kungsaan sinabi ang franchise number ng tricycle. Nakaugalian na raw itong gawin ng biktima tuwing aalis ng bahay.

Subali’t sa pagsisiyasat ng pulisya, natuklasan na ninakaw ang tricycle ng hindi pa matukoy na lalaki.



Ayon sa pulisya, nag-report sa kanila ang driver na may kumuha sa kanyang tricycle 12:00 ng hatinggabi hanggang 1:00 ng madaling araw.

Tinataya namang nangyari ang krimen 5:00 ng umaga dahil ganitong oras nakapag-text ang biktima sa kapatid.

Hindi kalayuan sa bangkay, nakita ang iba’t ibang gamit at mga ID na ninakaw at iniwan sa lugar ng kung sinumang gumawa ng krimen.

Isinailalim na sa autopsy ang bangkay ng biktima para matukoy kung ano ang ikinamatay niya at kung napagsamantalahan ito.

Patuloy din ang pagsisiyasat ng mga pulis sa mga kuha ng CCTV para matukoy ang salarin.