Advertisers
DAPAT unahin ng Department of Health (DOH) ang pagkuha ng mga nurse na walang trabaho.
Ginawa ni Senador Maria Lourdes Nancy Binay ang rekomendasyon kaugnay ng plano ni Health Secretary Teodoro “Ted” Herbosa na payagan ang mga non-board passers na magsanay sa mga ospital ng gobyerno upang matugunan ang kakulangan ng mga nurse sa Pilipinas.
Ayon kay Binay, dapat munang talakayin ng DOH ang usapin sa mga mambabatas upang makatulong ang Kongreso sa paggawa ng batas na makatutulong upang maibsan ang kalagayan ng mga nars sa bansa.
“Ang pinaka-praktikal ay i-prioritize nating i-hire ang mga unemployed nurses; provide a certain level of care, respect, and compassion to our overworked nurses currently serving our public hospitals,” wika ni Binay.
“We should also review, amend and offer better paying contracts to our nurses; provide better benefits, and rationalize their work loads,” saad pa niya.
“Sila ang backbone ng healthcare system, and it is only fair to protect our essential workforce and reasonably compensate them,” diin ng senadora.
Ikinatuwiran din ni Binay na mas magiging praktikal sa gobyerno na gamitin ang pondo para sa pagkuha ng mga non-board passers para sa mga kasalukuyang nagtatrabahong nurse.
“At kung seryoso ang DOH na ayusin ang buong sistema, punan ang gap, at gawing competitive ang sahod ng ating healthcare workers, we, in the Senate, are willing to provide the necessary tools and budget to improve the state of our public health,” dagdag pa niya. (Mylene Alfonso)