Advertisers
MULA Lunes hanggang Biyernes, alas 10 ng umaga hanggang alas 3 ng hapon bukas sa publiko ang Manila Clock Tower Museum , isa sa ipinagmamalaking atraksiyon sa lungsod ng Maynila.
Sa bisa ng ipinasang resolusyon ng Manila City Council nitong Huwebes, Hunyo 8, binigyan ng kapangyarihan si City Mayor Maria Sheilah ‘Honey’ Lacuna na idaan sa public bidding ang mga bakanteng espasyo sa Clock Tower.
Ayon kay Vice Mayor John Marvin ‘Yul Servo’ Nieto, mas makaaakit ng bisita at turista ang Clock Tower kung may mga bago pang atraksiyon na makikita ang publiko tulad ng souvenir shop, coffee shop at iba pa.
May 200 baytang na paakyat at pababa ang pitong palapag na museo na makikitaan ng mga obra maestra ng mga bantog na pintor at alagad ng sining sa bansa.
May mga bagong exhibit na hahangaang makita ang publiko, lalo na ang mga obra maestra na ipakikita ang mahahalagang pangyayari na Labanan sa Maynila noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Nitong Oktubre 2022 pinasinayaan ang Clock Tower na ipinaubaya ni Mayora Honey Lacuna ang pangangalaga sa Department of Tourism, Culture and Arts ng siyudad.
Naisip ni 3rd District Councilor Majority Floor Leader Ernesto ‘Jong’ Isip na ipasa ang resolusyon alinsunod sa Local Government Code of 1991 na pinahihintulutan ang alkalde na katawanin ang pamahalaang lungsod sa mga kontrata kung may otorisasyon ng Sanggunian.
Pwede ang advance bookings sa pagbisita sa Clock Tower pero bukas ito sa publiko buong Hunyo kaugnay ng selebrasyon ng Araw ng Maynila sa Hunyo 24.
***
Ilan na ba ang naideport na Chinese worker ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) na sinimulan noong Oktubre 2022, at opisyal report na ba ang Deparment of Justice (DoJ) tungkol dito?
Di po ba dear readers may utos na ipasara na ang operasyon ng 175 POGO na sa tantiya, ito ay nakapag-empleyo ng mahigit sa 300,000 Chinese, anyare?
Bawal kasi ang sugal sa China, kaya naisip itayo sa atin ang POGO — na totoong nagsampa ng bilyon-bilyong pisong tax sa kaban ng gobyerno pero ang naging kapalit nito e pagtaas ng kriminalidad na marami ay kagagawan ng Chinese nationals sa kanilang kababayan.
‘Yung mga talunang Chinese na hindi nakabayad ng utang, pinapatay at kinikidnap ng kapwa nila Chinese na may kasabwat na Pinoy.
Naturuang makorap ang ating law enforcement gawa ng malaking salaping suhol mula sa sindikato ng mga Chinese gangsters na malayang nakapasok sa bansa para dito gumawa ng krimen.
May naparusahan na ba sa pastillas gang ng Bureau of Immigration na malayang nagpapasok kahit kriminal na Chinese kapalit ng kimpal-kimpal na salaping suhol?
Wala tayong nairinig o nababasang report mula sa DoJ, pwede bang mag-ulat naman ang ating Justice Secretary o kung sinoman ngayon ang spox ng DoJ.
Balita rin na yung mga Chinese POGO workers ay nagtago na, ang marami ay nagawang makapag-secure ng pinekeng birth certificate, may nakapag-process pa ng PH passport.
Hanep, ang gagaling nyo, huh at siyempre, daming nagkapera sa mga local civil registry office, na ginamit ang birth certificate ng mga Pinoy na namatay na o mga Pinoy na pumayag maduplika ang kanilang birth certificate kapalit ng daan-daan libong piso.
Pag gipit nga, kahit sa patalim ay kumakapit.
Ngayon, “lehitimong” nakapamumuhay ang mga Chinese na pekeng Pinoy na nagawa nang makasunod sa ating ugali, natutong magsalita ng wika natin at ang marami ay nakapagtayo ng negosyo, at/o kaya ay nakapag-asawa na.
Milyong Pinoy ang naagawan ng trabaho ng mga Pekeng Pinoy na ito — na pag nagkaanak, dagdag sa bundat na populasyon ng Pilipinas na aagaw sa mga kapos na serbisyong medikal, pagkain, trabaho, pag-aaral, at iba pang kakumpitensiya ng ating kabataang Pinoy.
Pero alam nyo ba, may gimik ang mga henyo ng sugal na may ipinalit na sa POGO at ito ay platform ng Oriental Game na nakapagsusugal ang nasa abroad sa mga palarong sugal na ino-operate sa bansa.
E ganito rin ang platform ng POGO — ayon sa Finance Department, noong 2020 kumita ang gobyerno (sa pamamagitan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation) at P3.9 billion noong nakaraang taon sa iba-iba pang bayarin ng mga operator ng POGO.
Kung may bilyon-bilyong pisong kinikita ang POGO, hindi matutumbasan ng perwisyong dala nito sa pagtaas ng kriminalidad sa bansa.
Kay Justice Sec. Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla — na bespren ng media noong ito’y kongresista pa — sana ay mapatino mo ang mga tampalasan sa Bureau of Immigration.
Sana makita natin ang galing mo at sa tulong ng ating makikisig na opisyal at tauhan ng National Bureau of Ivestigation (NBI), katuwang ang Philippine National Police (PNP), ‘yung mga takas na kriminal sa China na nakapasok sa bansa ay madakip at maipatapon pabalik sa kanilang bansa.
Marami na tayong kriminal dito, dagdag ang mga Chinese na ito na ang dala ay perwisyo, kamatayan at salot sa bansa natin.
Kung ang Bureau of Customs (BoC) ni Commissioner Bienvenido Rubio ay may anti-smuggling task force, ay ano ba naman kung magbuo ng TF laban sa Chinese fugitives, pekeng Pinoy at mga kasabwat nila.
Makatutulong ang media, lalo na ang mga tropa mo sa National Press Club (NPC) na mga naka-jamming mo noon.
Justice Sec. Boying Remulla, gising!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.