Advertisers
MULING pinag-iingat ng Department of Health (DOH) ang publiko laban sa pagbili ng mga gamot na hindi aprubado ng Food and Drug Administration (FDA).
Ang babala ay ginawa ni DOH Sec. Teodoro Herbosa sa press briefing sa Malakanyang matapos mapaulat ang sinasabing pagkalat ng mga pekeng gamot at food supplements sa merkado at maging online.
Aniya, dapat may nakasulat sa bote o kahon ng produkto na “FDA Approved” upang matiyak na ligtas o legal ito.
Aminado si Herbosa na maraming puslit o smuggled na produkto mula sa ibang bansa na hindi naman rehistrado.
Ibinabala rin ni Herbosa na ang mga contraband products ay maaaring kumpiskahin ng FDA at ipasara ang mga tindahan na nagbebenta ng mga ito. (Gilbert Perdez)