Advertisers
PINAGHAHANAP na ng Philippine National Police (PNP) ang isang lalaking ‘person of interest’ sa kaso ng pagpatay sa architectural student na si Eden Joy Villacete sa San Jose, Occidental Mindoro.
Sinabi ni PNP Spokesperson, Colonel Jean Fajardo, may isang lalaking nahagip ng CCTV camera na naglalakad madaling-araw ng Miyerkules malapit sa apartment ng biktima. “Kausap ko ‘yung provincial director sa Occidental Mindoro at sabi niya may na-recover sila na CCTV na mga around 3:00 ng madaling araw noong araw na ‘yun ay may nakitang isang lalaki na naglalakad malapit doon o katabing lugar kung saan natagpuan yung bangkay ni Eden Joy at ‘yun ngayon ‘yung pinu-pursue nila”.
Nag-alok na ng pabuyang aabot sa P500,000 ang lokal na pamahalaan ng San Jose at Occidental Mindoro Provincial Government para sa ikakadakip ng salarin.
Biyernes ng 8:00 ng umaga nang natagpuang tadtad ng saksak at walang saplot ang bangkay ni Villacete, 5th year architecture student ng Occidental Mindoro State College sa inuupahan nitong apartment sa Barangay 7 sa bayan ng San Jose.
Wala rin ang mahahalagang gamit nito katulad ng cellphone, laptop at wallet.
Kaugnay nito, inatasan narin ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang pagkamatay ng dalaga.
Ang kautusan ay inilabas ni Justice Secretary Jesus Crispin C. Remulla nitong Lunes, Hulyo 3, sa NBI na magsagawa ng sariling imbestigasyon.