Advertisers
GINTO ang presyo ng sigarilyo sa loob ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.
Ayon kay Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang, umabot sa P7,000 ang halaga ng isang kaha ng sigarilyo o P70 kada stick sa loob ng NBP.
“Ngayon po ang sigarilyo P7,000 kada isang pekete…P70 ang isang stick [ng sigarilyo]. Napakahirap po ng supply ngayon,” pagbubunyag ni Catapang sa pagdinig ng Senate justice committee matapos tanungin ni Senador Francis Tolentino tungkol sa mga nakukumpiska nilang kontrabando sa NBP.
Sa mga tindahan, P114 hanggang P120 ang kada kaha ng sigarilyo o P8 hanggang P10 kada stick.
Sabi pa ni Catapang, mula nang italaga siya bilang pinuno ng BuCor, umabot lamang sa P2 milyon ang nakumpiska nilang halaga ng shabu, at patuloy ang kanilang paghahalughog sa lahat ng selda sa layuning makakumpiska ng iba pang mga kontrabando.
Inihayag pa ni Catapang na dinoble din ang sigurado sa lahat ng sulok ng NBP para hindi na maulat ang pagtakas ng mga preso tulad ng ginawa noon ni Michael Cataroja noong Hulyo 7.
Nagawang makatakas ni Cataroya nang sumakay sa trak ng basura papalabas ng NBP compound. Muli siyang nadakip ng mga awtoridad Agosto 17 sa Angono, Rizal.