Advertisers
NAHAHARAP na naman sa panibagong kaso sa Tanggapan ng OMBUDSMAN si Chairman Alfredo Roxas ng Barangay Kaligayahan, Quezon City.
Ang naturang usapin ay lalo pang magpapalamlam sa naghihingalong political career ni Chairman Roxas kasunod ng pagsasampa ng kasong Grave Coercion, panghaharass at pang-aabuso sa kapangyarihan ng isa sa complainants na naunang nag-akusa sa kanya at dalawa pa nitong tauhan ng mga kasong katiwalian kaugnay sa natuklasang “multong kawani” o ghost employee sa kanilang barangay.
Naging paksa ng SIKRETA si Roxas matapos na magkasunod itong kasuhan ng kanyang mga dating barangay employee na sina Arjean Gavida Abe at Hernando Compendio sa opisina ng OMBUDSMAN.
Si Abe na dating barangay teacher aide ay naghain ng kanyang demandang Falsification of Public Documents in Relation to Violation of Corrupt and Practices Act noong Setyembre 11, 2023 laban kina Chairman Roxas, Brgy. Treasurer Hesiree Santiago, at Kagawad Arnel Gabito na Chairman ng Committee on Appropriation ng barangay, samantalang si Compendio ay dating Barangay Public Safety Officer (BPSO) ng Barangay Kaligayahan, ay nagsampa naman ng kapareho ring kaso laban kay Roxas, Brgy. Secretary Marpha De Jesus, at Treasurer Hesiree Santiago noong Agosto 8, 2023.
Inilakip ni Abe sa kanyang sinumpaang salaysay ang mga dokumento na nagpapatunay na may kinalaman sina Roxas at ang dalawa pa nitong inireklamo sa pagsasama sa kanyang pangalan sa payroll personnel schedule o payroll list form para makakubra ng salapi sa pamahalaan sa mali at panlolokong pamamaraan.
Sang-ayon pa kina Abe at Compendio, sila ay mga biktima sa nadiskubre nilang payroll irregularity dahil nakalista ang kanilang mga pangalan na sumusweldo kahit hindi na sila empleyado at hindi na sila pumapasok sa trabaho. Kaya’t wala silang kamalay-malay na lumilitaw na sila ay mga “ghost employees” na labag o bawal sa batas.
Batay din sa salaysay ni Abe, ilang oras lamang matapos na sampahan niya ng kaso sina Roxas, Santiago at Gabito ay nakatanggap na siya ng panghaharass at pananakot mula sa mga hindi kilalang mga caller, ganoon din ng mga bastos na mensahe sa kanyang Facebook at messenger ng kanyang kapatid at iba pang miyembro ng kanyang pamilya.
Sanhi ng takot ay lumikas si Abe at ang kanyang pamilya sa kanilang tahanan, pero natunton sila umano ng mga tauhan ni Roxas sa kanilang pinagtataguang lugar na gamit pa ang official vehicle ng Brgy. Kaligayahan, kaya sa pangalawang pagkakataon ay nagbalik siya sa Office of Ombudsman noong Setyember 15, 2023 at muling nagsampa ng reklamo laban sa kontrobersyal na chairman.
Sinabi pa ni Abe na siya ay inalok ng tulong na salapi at trabaho sa barangay ng mga dumating na tauhan ni Roxas pero nang tinanggihan niya ay sapilitan siyang pinagkukunan ng litrato saka mabilis na tumalilis sa kanilang tirahan.
Batay sa may apat na pahinang sinumpaang salaysay ni Abe, ang mga ginawang yaon ng mga tauhan ni Roxas ay isang uri ng pananakot, panggigipit at act of harassment resulta ng kanyang reklamong “ghost employee” at “falsification of public documents” laban sa naturang barangay chairman.
Sa naging mga kaganapan, ang kinakaharap nina Roxas na mga asunto sa OMBUDSMAN ay tiyak na magiging batik sa kanyang pamunuan na maaring maging dahilan para mawalan ng tiwala ang mga residente sa kanilang barangay at tuluyang magpabagsak sa kanyang administrasyon at political career.
Bagama’t hindi pa napapatunayan na totoong lahat ang mga paratang kina Kap. Roxas, sana’y magsilbi itong paalala sa mga katulad nilang lingkod-bayan na ang kanilang pinasok na tungkulin ay magserbisyo sa bayan at anumang lisyang gawain ay masusing binabantayan ng mga mamamayang tulad ng mga nagreklamong sina Abe at Compendio.
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144.