PATULOY na tutulungan ng pamahalaan ang mga magsasaka para tumaas ang kanilang produksiyon at kita.
Ginawa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pahayag makaraang pangunahan ang ceremonial distribution ng bigas at iba’t ibang assistance sa General Trias City, Cavite.
Sinasabing may mga nakaumang nang plano ang Department of Agriculture (DA) upang maturuan ang grupo ng mga magsasaka hinggil sa rice processing sa harap na rin ng mas pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa illegal hoarding at smuggling ng mga produktong pang-agrikultura.
Ayon sa Presidente, kasalukuyang kalihim ng DA, hindi titigil ang kanyang administrasyon sa pagpapaganda ng agricultural sector, ani ng mga magsasaka, cost of production, at production levels.
Aniya, kailangang gawin ang lahat ng ito, pati na ang pagtulong sa mga kooperatiba at asosasyon tungkol sa processing para makapagproseso sila ng kanilang mga produkto hanggang sa pagbebenta para mas malaki ang kanilang kikitain.
Nabanggit ni PBBM ang bagong buying price range na ipinatutupad sa pagbili ng palay mula sa mga lokal na magsasaka na makatutulong sa kanila para nga mas kumita pa nang malaki mula sa kanilang mga produkto.
Kung hindi ako nagkakamali, mamamahagi rin ang DA ng bio-fertilizers sa mga farmer cooperatives at associations bunsod nang walang prenong pagtaas ng presyo ng urea fertilizers.
Wala nga naman daw kasing kontrol ang pamahalaan sa presyuhan ng urea kaya’t mahalagang matulungan ang mga magsasaka sa aspetong ito.
Siniguro ng masipag na pangulo na walang tigil sa paghahanap ng mga paraan ang gobyerno para matulungan ang mga komunidad at matiyak na walang maiiwan tungo sa inaasam nitong progreso o pag-unlad.
“Asahan po ninyo na gagawin po ng inyong pamahalaan lahat ng kailangang gawin upang hindi naman kayo maiwanan, upang hindi naman kayo mahirapan. Lahat po ng kayang gawin ng pamahalaan ay gagawin namin,” wika ng Presidente.
Matatandaan na nitong Biyernes, Setyembre 22, pinangunahan ni PBBM ang distribusyon ng sako-sakong bigas at iba pang agricultural assistance sa 1,400 beneficiaries, kabilang ang mga magsasaka at Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficiaries sa GenTri.
Ang mga ipinamahaging bigas na tig-25-kg ay bahagi ng 42,180 sako na nasamsam ng Bureau of Customs-Port of Zamboanga na kalauna’y napagpasyahang i-donate na lamang sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Good job po, PBBM!
***
Katuwang ang ilang sponsors, ang “Barangay 882” radio program ng inyong lingkod ay matutunghayan sa ALIW Channel 23, DWIZ AM Radio, DWIZ 882 FB page, at DWIZ ON-DEMAND sa Youtube tuwing araw ng Sabado sa ganap na alas-4:00 hanggang alas-5:00 ng hapon. Para naman sa inyong mga sumbong, reaksyon, suhestiyon, etc., maaari n’yo po akong i-email sa [email protected] o kaya’y i-DM sa aking Facebook account (Gilbert Laguna Perdez), Twitter, Instagram, at sa FB page na ‘Gilbert Perdez’. Paki-subscribe na rin ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Salamat po at stay safe!