Advertisers

Advertisers

Itatayong Super Health Center sa San Mateo, Rizal pinangunahan ni Bong Go

0 6

Advertisers

Personal na dumalo si Senator Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate Committee on health and demography, sa groundbreaking ceremony ng Super Health Center sa San Mateo, Rizal noong Huwebes.

Dumalo rin sa event ang mga lokal na opisyal, kabilang sina Gobernador Nina Ricci Ynares, San Mateo Mayor Bartolome “Omie” Rivera, Jr., Vice Mayor Jaime Romel Roxas, Municipal Health Officer Dr. Nyl Jarem Amorsolo, at iba pa.

“On behalf po ng aming bayan, kami po ay nagpapasalamat sa ating butihing Senador Bong Go sa paga-alay po ng suporta at pondo para mapatayo ang expansion ng Super Health Center. Ang proyekto pong ito ay makatutulong nang mas mapaigi pa ang ating serbisyong medikal,” sabi ni Dr. Amorsolo.



Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Go ang kritikal na papel ng Super Health Centers sa pag-decongest ng mga ospital, pagpapadali sa maagang pagtuklas ng sakit, at pagbibigay ng mahahalagang serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan tulad ng pangunahing pangangalaga at mga medikal na konsultasyon nang direkta sa komunidad.

“Ano po itong Super Health Center? Ito ay isang katamtamang uri ng isang polyclinic. Pwede po diyan ‘yung panganganak, dental, laboratory, x-ray, pagpapabakuna. Alam n’yo naisipan ko po ‘yang Super Health Center noong 2021. Sa kakaikot ko po sa buong Pilipinas, ‘yung mga may sakit anlayo ng byahe, yung mga buntis na nanganganak na lang sa tricycle o sa jeepney dahil malalayo ang ospital. Ngayon po mayroon na kayong sarili ninyong health center. Pwede na po diyan ‘yung panganganak, pagkonsulta, at iba pa,” ayon kay Go.

Bukod sa San Mateo, may iba pang Super Health Center na pinondohan para itayo sa Rizal, kabilang ang dalawa sa Antipolo City, isa sa Binangonan, Jala-Jala, Rodriguez, Taytay, Tanay, Angono, Cainta, at Cardona.

“Masaya po akong ibalita na magkakaroon na po ng Super Health Center dito sa San Mateo, sa tulong po ng ating Congressman Jojo Garcia, sa mga kasamahan ko sa Senado at sa Kongreso. Maglalagay po ng Super Health Center, itu-turn over po ito sa LGUs, at pwede po nila itong i-expand,” ayon kay Go.

“Halimbawa, mag-decide sila na lagyan ng dialysis machine, pwede po. At ako naman bilang chairman ng committee on health, suportado ko po ito, itong Super Health Center. Isa po ito sa paraan na ilapit po natin ang serbisyong medikal sa ating mga kababayan,” dagdag ng senador.

Binanggit din ni Go na may mga Malasakit Center na sa lalawigan na maaari ring puntahan kung kailangan ng suporta ng mga pasyente sa kanilang gastusin sa pagpapagamot.



Sa kasalukuyan, mayroon nag 159 operational centers na nakatulong sa mahigit pitong milyong Pilipino sa buong bansa.

Sa Rizal, ang Malasakit Centers ay matatagpuan sa Antipolo City Hospital System Annex IV, Casimiro A. Ynares Sr. Memorial Hospital sa Rodriguez, Bagong Cainta Municipal Hospital, at Margarito A. Duavit Memorial Hospital sa Binangonan.