Advertisers
PAGKATAPOS bawian ang P650 million confi-intel funds para sa year 2024 si Vice President Sara Duterte-Carpio ay nasilip naman ang kanyang napalalaking confidential funds noong alkalde siya ng Davao City.
Kalat ngayon sa social media ang kabuuang P2.6 billion confidential expenses ni Sara noong mayor siya mula 2016-2022. Araguy!!!
Sa post, noong 2016, ang confidential fund raw ni Sara na minana niya sa kanyang ama, Rodrigo Duterte, na tumakbong Presidente at nanalo, ay P144 million.
Nang sumunod na taon (2017), nang mahalal na siyang alkalde , ay nagkaroon si Sara ng P294 million confidential fund; 2018 (P420m), 2019 (P460m), 2020 (P460m), 2021 (P460m), 2022 (P460m). Sa pitong taon niyang alkalde ay nakagamit siya ng kabuuang P2.6 billion, ayon sa post na mainit na pinag-uusapan ngayon ng netizens sa social media.
Kung totoo ang lahat sa post na ito, mukhang tama lahat ang naging expose ni noo’y Senador Antonio Trillanes tungkol sa bilyones na laman ng bank accounts ng mag-amang Duterte (Digong at Sara).
Remember nang isapubliko ni Trillanes noong 2016 ang P2.4 billion sa 17 accounts ni Digong sa tatlong bangko (2 sa Metro Manila) at isa sa Davao City)?
Ang nasabing halaga ay nakamal daw ni Digong noong alkalde pa siya.
Sa expose ni Trillanes, sinabing may pitong joint accounts sina Digong at Sara sa Bank of the Philippine Islands (BPI) branch sa Julia Vargas Avenue, Pasig City; 9 joint accounts sa BPI Edsa Greenhills branch, at isang joint account sa Banco de Oro Unibank-1 sa Davao City.
Pero ang mga expose na ito ni Trillanes ay hindi nagamit sa korte dahil bawal, walang pahintulot ng Anti-Money Laundering Council.
Sa expose na ito ay natanggal sa puwesto ang noo’y Deputy Ombudsman na si Melchor Carandang nang ianunsyo ng huli na tama ang mga inilantad ni Trillanes. Kaso hindi certified ng AMLC ang naturang bank history ng mag-amang Duterte. Kasi iligal yata ang pagkakakuha sa naturang dokumento.
Sa paglabas uli ngayon ng napakalaking confidential funds ni Sara noong alkalde siya ng Davao City, hindi malayong mabuhay ang naging expose nina Trillanes at Carandang noon.
Oo! Malamang kalkalin ito ng Makabayan bloc na silang pumigil para mabigyan ng P640 million confi-intel funds si Sara sa kanyang Office of the Vice President at Department of Education.
Mukhang tuwang-tuwa naman ngayon ang ilang nag-aambisyong kumasa sa 2028 sa mga naglalabasang negatibo laban sa anak ni Digong. Titindi pa ito. Abangan!!!