Advertisers

Advertisers

‘ATM HOSTAGE TAKING’ SA COAST GUARD!

0 37

Advertisers

LUMANTAD ang mga bagong recruit ng Philippine Coast Guard (PCG) para ireklamo ang sistema ng katiwaliang umiiral sa simula pa lamang ng pagpasok nila sa naturang puwersa.

Sa magkakasamang tinig ng mga bagong graduate mula sa Northern Luzon, Visayas at Mindanao region, ibinunyag nilang karamihan sa mga nagtapos sa PCG ay nagbabayad ng utang nang hindi bababa sa P138 hanggang P150,000 para sa kanilang mga ginamit na training gear.

Binanggit pa nila na naglaan ang pamahalaan ng P43,000 para sa training gear na magagamit sa anim na buwan ng isang recruit. Subalit dahil sa overpriced items at pagdagdag ng mga hindi naman kailangang kagamitan ay lumalagpas sa pondo ang PCG trainees.



Inihalimbawa ng mga recruit ang manipis na panyo na nagkakahalaga ng P350 at t-shirt na binili lamang kung saan subalit pinabayaran pa sa kanila gayong dapat ay kasama na sa P43,000 allocation ng pamahalaan.

Inireklamo rin ng mga recruit ang umano’y tila pangho-hostage ng kanilang mga ATM at pin code para direkta umanong makaltasan ang kanilang mga sahod mula sa mga nautang nilang kagamitan.



“HIndi po namin nahahawakan ang ATM namin kasi nga po sila ang may kontrol. Sila raw po ang hahawak para raw hindi maubos ang laman pero sa totoo lang po, inuubos na nila sa kaltas,” sabi pa ng mga recruit na tumangging magpabanggit ng pangalan.

Sinabi pa nila na ang iba sa recruits ay hindi na pinakikinabangan ang P25,000 entry salary nila dahil sa dami ng kaltas matapos ang kanilang training.



“Ako po, nasa P138,000 ang utang ko, hanggang ngayon ay nagbabayad pa ako kasi umutang kami sa mga lending firm na rekomendado rin nila para wala na kaming utang sa PCG training, tapos sa lending firm na kaming magbabayad,” sabi pa ng isa sa recruit.

Taun-taon ang PCG ay nagre-recruit ng aabot sa 4,000 bagong miyembro upang mapalakas ang puwersa ng mga nagbabantay sa mga karagatan ng bansa.

“May iba sa amin, nagsasanla pa ng lupa sa probinsiya o kaya nagbebenta ng mga kalabaw para talagang mabayaran namin ang mga utang sa Coast Guard. Kung hindi namin kasi mababayaran, hindi rin namin makukuha ang ATM namin,” sabi pa nila.

Ibinunyag din nila ang pagkaltas ng P10,000 para sa “liberty” or R&R nila kahit sa mga hindi naman gumamit ng private van sa paghahatid sa kanilang mga destinasyon.

“Mas madali daw kasi ang kuwentahan kapag lahat kami babawasan ng P10,000, wala naman kaming magawa, hindi naman namin puwedeng ikatwiran na hindi naman kami sumakay sa van,” sabi pa nila.

Nanawagan din sila kay PCG Commandant, Admiral Artemio Abu, na imbestigahan ang ganitong sistema ng katiwalian sa Coast Guard upang matigil ang umano’y mahabang panahon nang pang-aabuso sa mga bagong recruits sa kanilang hanay.