Advertisers
TINIYAK ng Department of Justice (DOJ) na hindi palalampasin ang pinakahuling insidente ng pagpaslang sa isang brodkaster sa Calamba, Misamis Occidental.
Nangako si Justice Assistant Secretary at Spokesperson Mico Clavano na agad magsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang DOJ upang matukoy ang mga salarin at maparusahan sa batas ang mga pumatay sa radio broadcaster na si Juan Jumalon, kilala sa a;yas “DJ Johnny Walker.”
Batay sa mga ulat, live na naka-ere si Jumalon sa kanyang radio station na 94.7 Calamba Gold FM kahapon (Nov. 5) nang pumasok ang gunman at binaril ang biktima sa mukha.
Naisugod pa ang brodkaster sa ospital nguni’t dead on arrival.
Nagpaabot na ng pakikiramay ang DOJ sa pamilya at mga kaibigan ni Jumalon. Siniguro rin ni Clavano na nakikiisa ang kagawaran sa paghingi ng hustisya sa brutal na pagpatay sa brodkaster.
Ayon sa DOJ, ang hindi napapanahon at kalunos-lunos na pagkamatay ni DJ Johnny Walker ay isang malaking kawalan hindi lamang sa pamilya at mahal sa buhay kundi maging sa industriya ng pamamahayag.
Muling iginiit ng DOJ ang pangako nito na susuportahan ang press freedom at titiyakin ang kaligtasan ng mga mamamahayag.
Sinisiguro ng DOJ na mabibigyan ng katarungan ang pagpatay kay Juan Jumalon.
Kaugnay nito, kinumpirma ng DOJ na nagsimula na ang National Bureau of Investigation (NBI) sa kanilang imbestigasyon sa pinakahuling media killing.