Advertisers
IPINAHAYAG ng natalong kapitan ng Barangay Calawagan, Cabanatuan City na hindi puwedeng gamitin ng bagong halal na Punong Barangay ang kanilang barangay hall.
Ayon kay dating Kapitan Joey Tucay, hindi maaaring gamitin ng nanalong kapitan na si Jerry Ramos ang barangay hall dahil extension ito ng Health Center ng Lungsod ng Cabanatuan.
Ipinahayag ni Tucay na pansamantala silang lumipat sa MPB mula sa lumang barangay hall dahil ipinagamit nila ito sa mga mag-aaral sa Day Care na walang mapaglugaran.
Taliwas naman ang mga naging pahayag ni Tucay sa pahayag ng Department of Public Works and Highways (DWPH) na inilabas Setyembre 5, 2023, nagsasabing naisakatuparan ang pagpapatayo sa MPB sa ilalim ng Basic Infrastructure Program (BIP) ng kanilang ahensiya na napondohan sa pamamagitan ng General Appropriations Act of 2023.
Nakasaad din sa press release ng DPWH na ang MPB ay ipinatayo upang magsilbing barangay hall.
Nagwakas ang 21 taon na panunungkulan ni Tucay nang talunin ni Ramos nitong nakaraang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).