DOMINADO ng mga koponan mula sa Chinese Taipei, Manila,Cebu at Siargao Island ang katatapos lang na 200-meter events ng 2nd International Dragon Boat Festival 2023 na Sumagwan sa lungsod ng Puerto Princesa, nitong weekend.
Namuhunan ng lakas, diskarte, bilis ng pag-sagwan at teamwork ang naging naging bentahe ng mga ‘paddler’ na nasungkit ang kampeonato sa prestihiyosong karera sa tubigan. Mataas na lebel ng kumpetisyon at makapigil hiningang aksiyon ang kanilang ipinamalas sa mga manonood. Lahat gustong makaungos at walang gustong maiwan. Kaya kahit sa tirik na araw, hindi magkamayaw ang palakpakan at hiyaw mula sa mga dragonboat race spectators.
Finally, sa Womens Category ay nag-reyna para sa kampeonato ang Alliance of Masters mula sa Manila,1st runner-up ang Philippine Titans – Manila; Fire Dragons A naman ang 2nd runner-up at Ma Rampage sa 3rd runner-up .
Sa men”s category, pinagharian ng Mr. Canoe mula sa Chinese Taipei para sa kampeonato. Sumegunda ang Philippine Titans at Dagun Pilipinas A naman sa ikatlong pwesto habang ang Alliance of Masters ay sa ikaapat na pwesto.
Dahil halos magkakasinlakas ang mga koponan sa Mixed Category, pinatunayan ng Siargao Dragons mula sa Surigao del Norte na sila ang karapat-dapat silang maging kampeon. Pumangalawa ang Alliance of Masters; pangatlong pwesto ang Hongkong China Canoe na sinundan ng SAG-1 mula sa Manila sa ikaapat na pwesto.
Pinatunayan ng mga beteranong paddlers na kaya pang makipagsagwan sa aktwal karerahan sa masters category kung saan ay binigyang pagkakataon na sila ay magpamalas ng husay at kaya pang sumagwan sa laban ng mga paddler na nasa edad 40 pataas.
Nagharing – kampeon ang Sugbo Mighty Dragons mula sa Cebu; sinundan naman sa ikalawang pwesto ng Alliance of Masters; Rampage sa ikatlong pwesto; at Blue Phoenix mula sa Manila sa ikaapat na pwesto.
Inulan naman ng papuri at paghanga ang pamunuan ng Philippine Canoe Kayak Dragon Boat Federation o PCKDF sa pangunguna ni PCKDF pres./coach Len Escollante sa pag-organisa ng international sports event sa siyudad. Maging ang ipinakitang pagpupunyagi ni Mayor Lucilo Rodriguez Bayron sa hindi matatawarang tagumpay na nakamtan ng pamahalaang panlungsod para sa kompetisyon. Mula sa sunud-sunod na mga aktibidad na pang-internasyunal ay napatunayang kayang-kaya ang pag-angat ng lebel ng mga programa at aktibidad sa Puerto Princesa.
“Hindi naging madali pero alam natin na kakayanin natin na maipanalo itong mga malalaking international events natin. Siyempre sa suporta na rin ng mga department heads, mga empleyado ng city hallat sa mga mamamayan na nariyan para suportahan ang mga ginagawa natin. At maging ang mga organisasyon na nagtitiwala sa atin para sa malalaking events. Malaki ang aking pasasalamat!” Ayon pa kay Mayor Bayron.
Asahan rin na marami pang dapat na abangan na mga aktibidad na tiyak kikilalanin ng buong mundo ang siyudad hindi lamang sa yaman ng eco-tourism kundi maging bantog rin bilang “Sports Tourism Capital of the Philippines”. (Danny Simon)