Advertisers
ISINIWALAT ng isang kongresista na ang pinaka-nakakaapekto sa ‘competitiveness’ ng mga Filipino seafarers ay ang tinatawag na ‘ambulance chasing’ sa Pilipinas.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing, sinabi ni Kabayan Party-list Rep. Ron Salo na may negatibong impresyon sa hanay ng mga Pilipino sa buong mundo dahil kapag ang ating lahi aniya ang kinukuha ay mataas ang ‘risk’ na kung sakali mang magkaroon ng kaso ay mas mahal ang gagastusin ng mga ship owners.
Aniya, ito’y bunsod ng posibilidad na pumasok ang ‘ambulance chasing’ na nangyayari kapag ang mga abogado o kanilang mga subordinates ay kusang lumalapit sa mga biktima ng aksidente o mga indibidwal na sangkot sa posibleng malalaking isyu sa batas para kumita ng malaki sakaling magkaroon ng aregluhan.
Ipinunto ni Salo na batay sa pinakahuling datos ay nasa kalahating milyon na ang mga Filipino seafarers na naka-deploy worldwide na katumbas ng labing-apat na porsiyento ng kabuuang bilang ng mga ito sa buong mundo at mababa kumpara noon na nasa 45 porsiyento.
Dahil dito, sinabi ni Salo na mahalagang maipasa ang Magna Carta of Filipino Seafarers na mapapalakas ng kakayahan at kahusayan sa trabaho ng mga Pinoy seafarers.
Samantala, sinabi rin ni Salo na walang magiging implikasyon sa trabaho ng mga Filipino seafarers sakaling ideklara ng pamahalaan bilang high risk zone ang Red Sea.
Aniya, kahit pa matuloy ang deklarasyon ay wala itong magiging epekto sa employability ng mga seaman dahil ‘choice’ pa rin naman aniya nila kung sasampa sila ng barko o hindi.
Ginawa ni Salo ang pahayag matapos dukutin ng Yemen rebel group na Houthi ang labimpitong seaman habang sakay ng isang barko at naglalayag sa lugar.
Ang nakikitang epekto ni Salo sakaling maideklara bilang high risk na erya ang Red Sea ay maaaring tumaas ang sahod o hazard pay ng mga seafarer na sasama sa paglalayag doon. (Gilbert Perdez)