Advertisers
ISANG Piper PA-32-300 na uri ng sasakyang panghimpapawid, na may registry number na RP-C1234, ang naiulat na nawawala noong Nobyembre 30, 2023 matapos umalis sa Cauayan Airport patungong Palanan Airport, Isabela, napag-alaman sa ulat kahapon.
Ang nawawalang sasakyang panghimpapawid ay pagmamay-ari ng Fliteline Airways at pinatatakbo ng Cyclone Airways. Ito ay may sakay na isang piloto at nag-iisang pasahero. Ang huling komunikasyon ng eroplano sa Cauayan Tower ay bandang 9:50 AM Huwebes ng umaga.
Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang huling alam na posisyon nito ay ang huling blip mula sa sasakyang panghimpapawid na nakunan ng Flight Radar 24 na nasa 29.09 NM silangan ng Cauayan Airport noong 10:00 AM.
Inaayos na ngayon ang mga Search and Rescue unit kung saaan ay pinalawig ang operasyon ng Cauayan Airport at Tower kahapon hanggang 6:00 PM at maagang nagbukas ngayong 6:00 AM para isaaktibo ang search and rescue operations.
Ang mga grupong militar at sibilyan ay nagsasagawa ng paghahanap ng komunikasyon para sa anumang posibleng pagkakita ng RP-C1234.
Walang Emergency Locator Transmitter (ELT) distress alert na natanggap ng Philippine Aeronautical Rescue Coordination Center (PARCC) mula sa nawawalang aircraft.
Isang Distress message (code word DETRESFA*) ang natanggap ng CAAP Operations Center mula sa Cauayan Tower bandang 11:08 AM kahapon.
Nasa Cauayan Airport ngayon ang mga imbestigador ng CAAP mula sa Aircraft Accident and Inquiry Investigation Board (AAIIB) sa pamumuno nina Romel Ronda at Harry Paradero para magsagawa ng imbestigasyon.
Kaugnay nito, nagpakalat ng 44 katao ang Pamahalaang Lokal ng Palanan sa Sitio Dipadsangan, San Mariano, Isabela.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG) Dilasag, nakatanggap lang sila ng ulat hinggil sa insidente ngunit hindi pa nila maipapadala ang kanilang team dahil sa masamang panahon. Ang BFP at Divilacan LGU ay nagpahayag ng kanilang pagpayag na magbigay ng tulong at naghihintay na lamang ng mga tagubilin kung paano magpapatuloy.
Ang mga asset ng PAF-SAR ay handa na para sa paggamit ngunit naghihintay pa rin ng magandang panahon upang mai-deploy.
Inatasan ng Maconacon LGU ang kanilang mga barangay at ang mga mangingisda sa kani-kanilang lugar na magbigay ng feedback kung sila ay makakuha ng bagong impormasyon hinggil sa insidente.
Sa ngayon, wala pang natatanggap na impormasyon. Sinabi ng mga mangingisdang barangay na handa silang tumulong sa mga operasyon ngunit hindi pa nila maipadala ang kanilang mga koponan dahil sa hindi matatag at malalaking alon. (JOJO SADIWA)