Advertisers
NATAGPUANG walang buhay ang isang bilanggo na dating police asset nang pagtulongan paslangin ng iba pang preso na mga dati umano niyang ipinakulong nitong Miyerkoles ng umaga sa Tanza Municipal Station, Barangay Amaya,Tanza, Cavite.
Kinilala ang biktima na si Ronquillo Dela Cruz, nasa hustong gulang, may kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 (Illegal Gambling); habang ang mga salarin ay nakilalang sina Joselito Domancena, Mike Ortiz, William Dela Rosa, Dennis Regonia, Miko Dela Pena, Ronnel Bueno, Nheze Sanchez, Christian Alvarez, at Arjay Aquino na mga nakulong sa iligal na droga.
Sa report nina Police Staff Sargeant Jonathan Lagario at Corporal Paul Barranco, ang mga imbestigador ng kaso, sa opisina ni Calabarzon Regional director Brigadier General Paul Keneth Lucas, kasalukuyan umano silang nagsasagawa ng morning head count sa mga preso nang mapag-alaman na nawawala si Dela Cruz, kaya’t agad itong hinanap at nadiskubre sa loob ng banyo ng kulongan na nakahandusay at may sugat sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan. Dinala ito sa General Trias City Hospital subalit idineklarang dead on arrival.
Napag-alaman ng pulisya na bago mangyari ang insidente ay pinagplanohan diumanong paslangin ng mga suspek ang biktima bilang ganti gamit ang isang improvised weapon na yari sa isang tooth brush.(Koi Laura)